Default Thumbnail

30 pamilya nasunog mga tirahan sa Parola

June 8, 2022 Jonjon Reyes 241 views

TINATAYANG aabot sa sampung kabahayan ang nilamon ng apoy at tuluyang nawalan ng tirahan ang 30 pamilya sa Parola Compound sa Tondo, Maynila madaling araw nitong Miyerkules.

Base sa ulat ng Manila Fire Department at Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa inuukupahang bahay ng isang Luis Acosta.

Nabulabog umano ang mga residente dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.

Nabatid kay SFO1 Maria Concepcion de Jesus ng BFP na nagsimula ang sunog bandang 2:21 ng madaling araw na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang “fire out” ng dakong 3:58 a.m.

Wala namang naiulat na nasawi at nasugatan sa naganap na sunog. Pansamantalang nanunuluyan sa Paraiso Court ang mga pamilyang nawalan ng tahanan.

Inaalam pa ng Arson Division ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga ari-arian at patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.

AUTHOR PROFILE