Default Thumbnail

2 ‘tulak’ tiklo sa Navotas

June 8, 2022 Edd Reyes 229 views

ARESTADO ang dalawang lalaki nang pagbentahan ng ilegal na droga ang pulis na nagpanggap na buyer, Martes ng gabi sa Navotas City.

Dakong alas-9:20 ng gabi nang dakpin ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging sina alyas “Mac-Mac” at isang babaeng suspek, kapwa naninirahan sa Bgy. Longos, Malabon City makaraang magbenta ng shabu sa isang tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Cruz St., Bgy. Tangos North, Navotas City.

Sa ulat na ipinadala ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ulysses Cruz, ilang linggo nang minamanmanan ng mga tauhan ni P/Lt. Luis Rufo Jr., hepe ng SDEU hanggang sa kumagat ang mga ito sa kanilang pain.

Nakumpiska sa mga suspek ang may kabuuang 7.1 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P48,280 pati na ang P500 na markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.

Iprinisinta na ng mga tauhan ni Lt. Rufo sa piskalya ng Navotas City ang mga nadakip na suspek para sa pagsasampa ng mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng ipinagbabawal na droga sa ilalim ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

AUTHOR PROFILE