Default Thumbnail

8 ‘gun runners’ timbog sa Kyusi

June 8, 2022 Melnie Ragasa-limena 224 views

NAARESTO ng pulisya ang walo katao na hinihinalang mga “gun runners” at pawang miyembro umano ng isang criminal gang sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ang mga naarestong indibidwal ay sinasabing miyembro umano ng “Angie and Wowie Criminal Gang” na isang “unlisted criminal gang”, na umano’y sangkot sa gun running, swindling, at illegal na droga na nag-o-operate sa iba’t-ibang lugar sa Quezon City.

Batay sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ng Hunyo 7 nang isagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Quezon City District Field Unit (QCDFU) ang pag-aresto sa mga suspek, sa Iriga St., Bgy. Culiat, sa lungsod.

Una rito, nakatanggap ng “tip” ang mga awtoridad mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y talamak na bentahan ng mga ilegal na armas sa Bgy. Culiat at iba pang bahagi ng lungsod na kinasasangkutan umano ng isang alyas “Edong”.

Matapos makumpirma ang impormasyon sa isinagawang surveillance ay agad na naglatag ng buy-bust operation ang CIDG-QCDFU.

Nakahalata naman si alyas Edong na mga pulis ang ka-transaksiyon kaya’t kumaripas ng takbo at pumasok sa naturang tahanan pero sinundan siya ng mga pulis at inaresto.

Nadakip din ng mga pulis ang kanyang mga kasamahan na naaktuhang nagpa-pot session.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, buy-bust money, at isang pulang sling bag.

Nasamsam rin ang tatlong plastic sachet ng 0.3 gramo na shabu na may halagang P3,000, mga drug paraphernalia, dalawang maliit na digital weighing scales at itim na coin purse.

Ang mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 at The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.