Default Thumbnail

3-taong validity ng rehistro ng MCs, suportado ni Gutierrez

April 24, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 232 views

SINUPORTAHAN ng isang kongresista ang desisyon ng Land Transportation Office (LTO) na magkaroon ng tatlong taong bisa ang rehistro ng motorsiklo.

“This is welcome a development, especially sa panig ng motorcycle community na tulad namin, actually ipinagpapasalamat namin ang naging desisyong ito ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa kabila ng napakarami nilang kinakaharap na suliranin sa kanilang tanggapan ay naiisip pa rin nila ang kapakanan ng mga nagmomotorsiklo sa bansa,” 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez nang kunan ito ng reaksiyon hinggil sa pagpapatupad ng LTO ng tatlong taong bisa o “validity” ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.

Batay sa kasalukuyang panuntunan na alinsunod sa Republic Act (RA) No. 4136 at RA 11032, ang mgamotorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa LTO.

Makaraan ang mga pag-aaral ng ahensiya ay nagdesisiyon na itong gawin na ring tatlong-taon ang bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa alinsunod sa Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.

“Marami sa aming mga ‘kagulong’ ang matutuwa sa hakbanging ito ng LTO dahil malaking tulong ito na mapagaan ang proseso at transaksiyon ng ating mga kababayan na hindi na kailangang magpabalik-balik pa sa naturang ahensiya para lamang magparehistro,” paliwang ni Gutierrez.

Sinabi pa ni Gutierrez na wala siyang nakikitang problema sa “roadworthiness” ng mga mas maliliit na motorsiklong bago kahit na iparehistro ng tatlong taon at higit sa lahat ay tinatayang nasa dalawang milyon na bagong magpaparehistro ng motorsiklo na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiyang ito.

AUTHOR PROFILE