Default Thumbnail

3 MWPs kalaboso sa Batangas, Cavite

April 22, 2023 Jojo C. Magsombol 234 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Malamig na kulungan ang binagsakan ng tatlong katao na kabilang sa listahan ng “most wanted persons” sa regional level sa isinagawang magkakahiwalay na manhunt ng mga awtoridad sa Batangas, Abril 19.

Ayon sa ulat kay Batangas Police Provincial Office (BPPO) Officer-In-Charge (OIC) P/Col. Pedro D. Soliba, nahuli ng pinagsanib puwersa ng Malvar Municipal Police Station (MPS), Regional Intelligence Division (RID) 4A-Regional Intelligence Team (RIT) Batangas, Tanza Cavite MPS at Regional Mobile Force Branch (RMFB) 4A 403rd AMC ang isang alias “Ernani,” 43, isang negosyante, at residente ng Tanza, Cavite.

Arestado ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Fourth Judicial Region, Branch 6, ng Tanauan City Batangas na may petsang Pebrero 20, 2014 at walang inirekomendang piyansa.

Noong Marso 13, 2012 nangyari ang pagpatay ng barilin ng suspek at ng kasama nito ang biktima na si Manuel Magpantay sa Tanauan City, Batangas.

Samantala, nasakote naman ang isa pang MWP na nakatira sa Lipa City, Batangas sa bisa ng warrant of arrest sa kasong statutory rape (as amended by RA 11648) na inilabas ng Fourth Judicial Region Branch 2, Family Court, (FC) ng Lipa City, Batangas na may petsang Marso 17, 2023 sa ginawang operasyon ng Mataas na Kahoy MPS kasama ang 403rd A MC RMFB 4A bandang alas-9 ng gabi sa nasabing bayan.

Noong Enero 18, 2023, dumulog ang biktimang menor de edad sa nasabing istasyon upang magsampa ng reklamo laban sa suspek na kanyang pinsan.

At dito ibinunyag din ng biktima na bago ang nasabing insidente, noong taong 2014 at Oktubre 2021, ang biktima ay dumanas ng parehong sekswal na pang-aabuso mula sa suspek Bitbit naman ang warrant of arrest sa kasong seven counts of “rape” na inilabas ng RTC Br. 87, Rosario, Batangas na may petsang Enero 26, 2023 na inihain at nahuli ng mga operatiba ng San Juan MPS, PIU Batangas, RID 4A-RIT Batangas, 403rd A MC RMFB4, ang isang alyas “Wally,” karpintero, at residente ng San Juan, Batangas bandang alas 11:00 ng umaga.

Ang suspek ay sinampahan ng kaso ng kanyang sariling anak umano dahil sa pang-aabusong sekswal na naganap noong Mayo 2, 2022 at Abril 21 hanggang 30, 2022.

Ang mga naarestong mga akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga nasabing police station habang ang korteng pinagmulan ng mga warrants of arrest ay iimpormahan sa pagkaka-aresto ng mga akusado.

AUTHOR PROFILE