Default Thumbnail

3 miyembro ng ASG na sangkot sa Sipadan kidnapping, sumuko

January 3, 2023 Zaida I. Delos Reyes 197 views

TATLONG miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa Sipadan kidnapping noong 2000 ang sumuko sa mga alagad ng batas sa Sulu.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Western Mindanao Police ang sumuko na sina alias “Appah,” 29; “Jurrim,” 61; at “Ebin,” 60.

Ayon kay Verceles, ang tatlo ay sumuko dakong 1:30 pm nitong Lunes sa Camp Julasirim Kasim kung saan matatagpuan ang Sulu Police Provincial Office.

Batay sa record, ang tatlong ASG ay sangkot sa mga serye ng pakikipagbakbakan sa tropa ng militar.

Napag-alaman na si “Appah” ay lumahok sa grupo ni Radulan Sahiron, ang pinakamatandang leader ng ASG sa lugar matapos mapatay ang kanyang leader na si Hairulla Asbang noong Abril 2021.

Sina Jurrim at Ebin naman ay tagasunod ng napatay na leader na si Amah Maas noong 2005.

Si Jurrim ay sangkot sa pagdukot sa 21 katao na kinabibilangan ng 11 Asians at 10 Europeans mula sa isang resort sa Sipadan Island sa Malaysia noong April 23,2000.

Ayon kay Verceles, ang pagsuko ng tatlong bandito ay nabigyang daan sa tulong ng pinagsanib na puwersa mula sa Sulu, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF).

Ang tatlo ay agad na isinailalim sa debriefing at profiling procedures.