Default Thumbnail

22 couples nag-‘I do’ sa kasalang bayan sa San Antonio

June 30, 2023 Steve A. Gosuico 210 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — UMAABOT sa 22 mag-asawa ang opisyal nang kasal dahil sa isang libreng civil mass wedding sa bayang ito noong Huwebes ng hapon.

Itinapat ng pamahalaang bayan ng San Antonio ang kasalang bayan isang araw bago matapos ang Hunyo, na kilala bilang wedding month of the year.

Ginanap ang kasalang bayan sa Dr. Jose Lapuz Salonga gymnasium.

Siyam sa 22 maga-asawa ay may mga anak na at nagsasama na sa loob ng maraming taon nang hindi kasal.

Nanguna si Mayor Arvin C. Salonga sa naganap na “Kasalang-Bayan 2023” kasama si Vice Mayor Julie E. Maxwell sampu ng mga konsehal ng bayan na sina Maneng Balcos, Enye Umali, Cris Cunanan at Antong Juliano.

Pinaalalahanan ni Maxwell ang mga ikinasal na laging ilagay ang Diyos sa gitna ng kanilang relasyon.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga ikinasal na subukang magtayo ng sariling tahanan para sa kani-kanilang pamilya upang mapatunayan na kaya nilang tumayo sa kanyang sarili.

“Ilagay sa sentro ng pagsasama at mga anak ang ating Panginoon at pagtitiwala sa Diyos upang lalong tumibay ang inyong pagmamahalan at pagsasamahan,” sabi ni Salonga sa kanila.

Sinabi rin niya sa mga bagong kasal na totoong may forever pagdating sa true love.

“Iyong iba nagsasabi na wala daw forever. Mayroon pong forever at well ako po ang Diyos forever sa akin iyon.

Pero sabi ko nga, nasa inyo ang ikatatagal ng relasyon, pagbibigayan, pagpapasensiya at pag-uusap ng mag-isang-irog ang susi sa lahat,” dagdag ni Salonga.

Bukod sa libreng tanghalian at pagtanggap para sa 250 panauhin sa loob ng gymnasium, sinagot din ng pamahalaang bayan ang mga regalo sa mga ikinasal tulad ng mga cakes at electric fans para sa lahat ng 22 bagong kasal.

AUTHOR PROFILE