Default Thumbnail

2 tiklo sa P.6M shabu, baril; 2 sa pot session sa Pila

April 12, 2023 Gil Aman 238 views

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Arestado ang apat na drug personalities kabilang ang dalawa na nahuli sa “pot session” at nasabat ang higit P600,000 halaga ng shabu sa joint buy-bust operation sa isang hotel-resort sa Bgy. Labuin, Pila, Laguna Martes, Abril 11, 2023.

Ayon kay Acting Provincial Director P/Col. Randy G. Silvio ng Laguna PPO (Police Provincial Office), dalawa sa apat na suspek na nadakip ay “high-value individuals” (HVIs) at mga pawang residente ng Sta. Cruz, Laguna.

Sa ulat ng pulisya, ikinasa ang joint anti-illegal drug buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Pila Municipal Police Station (MPS) ganap na 8:03 ng gabi sa nasabing lugar at naaresto ang mga suspek matapos magbenta ng shabu sa undercover na pulis kapalit ang marked money.

Narekober ang 29 plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 95 gramo at may halagang P646,000, markadong salapi, isang caliber .380 Colt Mustang, isang cal. 22 revolver, apat na piraso ng bala, coin purse, wallet, Mio Traviz motorcycle, Yamaha Aerox scooter, cash, at drug paraphernalia.

Nasa kustodiya na ng Pila MPS ang mga suspek at nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang isusumite sa crime laboratory ang mga ebidensiya upang suriin at disposisyon.

“Ang Laguna PNP ay hindi titigil at mas lalo pang paiigtingin ang mga operasyon kontra iligal na droga upang matiyak natin ang kaligtasan at katahimikan dito sa buong Lalawigan ng Laguna. At ipinaaabot ko din po ang aking pasasalamat sa ating mga kababayan na patuloy na nakikipagtulungan sa ating mga kapulisan sa patuloy na pagbibigay ng mga impormasyon para sa mabilisang pagkakadakip ng mga drug personalities na mga ito,” pahayag ni Silvio.

AUTHOR PROFILE