Medina

2 suspek sa nakawan sa 7-Eleven sa QC huli

May 26, 2022 Melnie Ragasa-limena 281 views

INIULAT ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Remus B Medina, ang pagkakaaresto ng dalawang suspek na sangkot sa pagnanakaw sa isang 7-Eleven Convenience Store sa isinagawang follow-up operation ng Galas Police Station (PS 11) kagabi sa Quezon City.

Kinilala ni PLt.Col. Richard Ian T. Ang,PS 11 Commander, ang mga suspek na isang 49-anyos na residente ng Brgy. Sto. Cristo, Quezon City at 51 anyos na residente ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Batay sa ulat, dakong 2:05 a.m. noong ika-22 ng Mayo 2022 nang nilooban umano ang storage room ng naturang convenience store na matatagpuan sa Mabini St., Brgy. Doña Aurora, Quezon City. Tinangay ang dalawang Konzert speakers, isang mega storage organizing plastic box, at isang Hedgren laptop bag. Kinalaunan ay isinakay ang mga ninakaw, sa isang taxi papalayo sa pinangyarihan ng krimen.

Nadiskubre ng store manager na kinilalang si John Cycrus Ones ang insidente dakong 3:30 p.m. noong ika-24 ng Mayo 2022 nang kanyang suriin ang CCTV footages. Kaagad niya itong inireport sa PS 11 na agarang naman nagsagawa ng follow-up operation.

Nahuli angg mga suspek dakong 10:40 p.m. ng parehong araw at positibo silang kinilala ng taxi driver na kanilang sinakyan noong sila ay tumakas.

Nakumpiska ang isang Apple Macbook Pro, isang Konzert Amplifier at mikropono, isang kumpletong set ng Samsung Audio sound System, iba’t ibang klase ng alak, isang Rustan’s gift item, dalawang Nike na sapatos at isang HJC full face helmet.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery.

Pinuri ni PBGen. Medina ang mga operatiba ng PS 11 sa agarang pagresponde sa insidente na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek at pagkakasamsam ng mga ebidensya. “Patuloy kong pinapaalalahanan ang publiko na maging mapagmatiyag sa paligid sa lahat ng pagkakataon at siguraduhing may kasama lalung-lalo na sa mga convenience stores sapagkat ito ay kalimitang target ng mga kawatan,” dagdag niya.

“Lalo pa nating paiigtingin ang ating pagbibigay seguridad sa publiko para sa kanilang kaligtasan at mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng buong Kamaynilaan,” pahayag ni PMGEN Felipe R. Natividad, ang Regional Director ng National Capital Region Police Office. Ni MELNIE RAGASA-JIMENA