Default Thumbnail

2 sugatan sa shotgun ng kainuman

December 26, 2023 Edd Reyes 163 views

DALAWA ang sugatan nang walang habas na paputukan ng shotgun ng 28-anyos na fish porter ang kanyang mga kainuman noong Pasko sa Navotas City.

Patuloy na ino-obserbahan pa sa Tondo Medical Center sina Erabel Esgana, 35, at John Robin Gisalan, 20, ng Champaca St., Brgy. NBBS makaraang magtamo ng tama ng bala ng 12-gauge shotgun sa iba’t- ibang parte ng katawan.

Natiklo ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas Ruben, 27, ng 168 Brgy. NBBS Proper at nakuha sa kanya ang ginamit na shotgun.

Nasa kasagsagan ng pakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga ka-trabaho sa 134 Champaca St., Brgy. NBBS-Proper nang sumiklab ang kanilang mainitang pagtatalo dakong alas-12:10 ng madaling araw.

Sa pag-aakalang napagkakaisahan siya ng mga kainuman, kinuha ng suspek ang kanyang shotgun at walang habas na pinaputukan ang mga kainuman na nagresulta sa pagtatamo ng tama ng bala ng mga biktima.

Nakapagresponde naman kaagad sa lugar sina Navotas Police Sub-Station 4 Commander P/Capt. Ivan Rinquejo na nagsagawa kaagad ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sasampahan ng kasong double frustrated homicide at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Navotas City Prosecutor’s Office ang suspek.

AUTHOR PROFILE