Galido

2 Maute members ayaw nang maging ‘terorista’

August 19, 2023 Zaida I. Delos Reyes 283 views

SUMUKO sa mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) Zampelan sa Lanao del Norte ang dalawang miyembro ng Daulah Islamiyah (DI)-Maute terrorist group.

Nakilala ang mga sumuko na sina Abu Talha at Abu Anas, dating miyembro ng teroristang grupo na pasimuno ng Marawi City siege noong 2017.

Batay sa ulat ng AFP-Western Mindanao Command, isinuko din ng dalawa ang kanilang cal. 45 pistol at cal 9 MM pistol 2nd Mechanized Brigade ng Philippine Army.

Sinamahan ni Bangsamoro Transition Authority Commissioner Al-Haj Abdullah Macapaar, a.k.a. Bravo, at ng kinatawan nito na si Munai Mayor Racma Andamama ang dalawang sumuko.

Iniharap kamakalawa ang mga sumuko kay 2nd Mechanized Brigade Commander Brig. Gen. Anthon Abrina at Department of Interior and Local Government Provincial Director Bruce Colao.

Ayon sa mga sumuko, gusto na nilang magbagong buhay at makasama ang kanilang mga kaanak.

Samantala, muling nanawagan si Army Chief Lt. Gen. Roy Galido sa mga nalalabi pang miyembro ng Daulah Islamiyan na magsisuko na para mapanatili ang kapayapaan sa Lanao.