Default Thumbnail

2 mandurukot tiklo sa Quiapo

February 14, 2023 Jonjon Reyes 349 views

NAGPAHAYAG si Barbosa Police Station 14 Commander P/Lt. Col. Roberto Mupas na “walang lugar” sa kanyang nasasakupang area o responsibility ang mga masasamang loob matapos mahulog sa kanilang bitag ang dalawang babaeng suspek na mandurukot.

Ang dalawa ay inaresto matapos mambiktima sa mga nag-aabang ng pampasaherong dyip sa Quiapo, Maynila, Lunes ng hapon.

Ayon kay Mupas, pasado alas 5:45 ng hapon (Pebrero 13), nang magsisigaw ng “Mandurukot, mandurukot” ang 24-anyos na babaeng call center sa tapat ng isang drug store sa Quezon Boulevard, sakop ng Barangay 394 Zone 40, sa Quiapo.

Agad na nakatawag pansin kina PSSgt. Ralph Eric Nolasco at Pat. Jericho DLP Lopez ng University Belt Area PCP sakop ng Stn. 14 na kasalukuyang nagpapatrolya sa nasabing lugar.

Ayon sa biktima, papauwi siya at pasakay na sana ng dyip na may biyaheng UST-Blumentritt nang ito’y gitgitin diumano ng dalawang babae.

Subalit umalis ang dalawa at hindi umano tumuloy sumakay ng dyip hanggang napansin ng biktima na bukas na ang bag nito at saka kinompronta ang dalawang suspek.

“Few steps away ay may nagpapatrolyang mga kapulisan. They assist me on the nearest police station in order to retrieve my phone, kasi nga modus daw yon doon,” saad ng biktima sa kanyang post sa kanyang Facebook account.

“Few minutes later, nahanap nila yung kumuha ng phone ko at nabalik agad sakin dahil tinuro nung babaeng inakusahan kong kumuha ng phone ko yung kasama niya. Sobrang bilis ng pangyayari, pero sobrang bilis din ng aksyon ng mga kapulisan,” pagpapatuloy ng biktima.

Dagdag pa nito, “I would like to extend my deepest gratitude to MPD Barbosa Police Station 14 thru the leadership of P/Lt. Col. Roberto Mupas for the immediate response of his personnel. Maraming salamat po!”

“To all commuters out there. Be mindful of your belongings. Keep safe everyone,”pagtatapos ng kanyang post.

AUTHOR PROFILE