Default Thumbnail

2 kelot tiklo sa ‘pagsipsip’ ng krudo sa Malate

November 12, 2022 Jonjon Reyes 218 views

DALAWANG lalaki na nagmistulang “drakula,” subalit sa halip na dugo ay krudo ng truck ang pinuntirya matapos maaktuhan at mahuli sa Malate, Maynila.

Nabisto umano ang ginawang “pagsipsip” sa tangke ng truck sa krudo ng mismong driver nito ng Department of Public Safety (DPS) ng Manila City Hall.

Naaresto ang suspek na may alyas “Epong,” na miyembro umano ng “Bahala Na Gang” at isang alyas “Nognog” na sinasabing miyembro naman ng “Batang City Jail” sa magkahiwalay na lugar sa Malate.

Batay sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Salvador Tangdol, station commander ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station (PS) 9, ginawa ang pagsalisi sa truck ng DPS habang nakaparada ito sa harap ng Rizal Memorial Stadium sa Adriatico St., Malate.

Matapos na dumulog ang tsuper nito, agad na nagsagawa ng follow-up operation sina P/Cpl. Billy Rey Tagupa at P/Cpl. Marlon Operaña, nakatalaga sa Adriatico Police Community Precinct (PCP), kasama ang mga barangay tanod hanggang masakote ang dalawang suspek na positibong kinilala naman ng truck driver.

Narekober sa dalawa ang isang adjustable wrench, isang container ng ninakaw na krudo na nasa anim na litro at halagang P480.

Itinurnover sa Malate PS 9 ang mga suspek at nahaharap sa kasong theft.

AUTHOR PROFILE