Default Thumbnail

2 huli sa ilegal na droga, baril sa Navotas

October 8, 2022 Edd Reyes 301 views

ARESTADO ang isang lalaki at isang babae na magkasabwat sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Kaagad na dinakma ng mga tauhan ng Navotas Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo ang mga suspek na kapwa nakatira sa Barangay Tangos North nang tanggapin nila ang P500 markadong salapi kapalit ng isang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-11 ng umaga sa Badeo 5, Bgy. NBBS San Roque.

Nang kapkapan, nakuha sa isang suspek ang isang kalibre .45 baril na may magazine na naglalaman ng anim na bala habang humigit-kumulang sa 50 gramo ng shabu ang nasamsam sa kanilang dalawa na nagkakahalaga ng P340,000, pati na ang markadong salapi na ginamit ng pulis sa kanilang operasyon.

Ayon sa imbestigador na si P/Cpl. Ramir Ramirez, nahaharap ang dalawa sa kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang may karagdagang kaso ang isang suspek sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act sa piskalya ng Navotas.

AUTHOR PROFILE