2 binatilyo nalunod sa Ilog Pasig

June 3, 2022 Jonjon Reyes 134 views

MAGKASUNOD na iniulat ang dalawang magkaibigan na halos magkasunod din na iniluwa ng Ilog Pasig , makaraang magkayayaang maglaro sa tabi ng ilog, sakop ng Punta Sta. Ana, Maynila, nitong Huwebes ng hapon.

Nakilala ang mga biktima na sina Rey Napoles, 12-anyos, Grade 6 student at residente ng Lanzones St., Kahilum ll, Pandacan at si Ivan Christian Borja, 15-anyos, estudyante, ng Sta. Ana, Maynila.

Base sa ulat ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, pasado alas-4:55 ng hapon nitong Hunyo 2 nang unang lumutang ang bangkay ni Napoles sa Ilog Pasig sa likod ng MPD-Station 6.

Bandang 8:00 na ng umaga kinabukasan nang iahon naman na ang natagpuang bangkay ni Borja.

Lumitaw sa imbestigasyon ng kapulisan na sina PSMS Dennis Suba, PSSg. John Teody Siguen, at Pat. Christian Joseph Pineda, huling nakita sa lugar ang magkaibigan na sinaway pa ang mga ito ng ama ni Napoles na umalis sa lugar, sumunod naman ang dalawa pero muling nagbalik at dito na nadulas ang dalawa.

Hindi na lumutang pa ang dalawa hanggang kinabukasan ay nakita palutang-lutang sa ilog ang bangkay ni Napoles samantala, Biyernes ng umaga nang makita ang bangkay ng ikalawang biktima sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ikinasang search and rescue operation.

Hinalang aksidenteng nadulas sa “river craft” at nagtuloy-tuloy na bumulusok sa tubig ang mga biktima.

Ang mga labi ng mga biktima ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral at Labalan Gigaan Funeral Morgue para sa pangangalaga at awtopsiya.

AUTHOR PROFILE