Van Source: Zner Siclap Otidlacus- FB

17 na patay sa banggaan ng van, truck; 1 nakaligtas

March 26, 2024 Zaida I. Delos Reyes 95 views

UMAKYAT na sa 17 katao ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa malagim na banggaan ng pampasaherong van at dump truck nitong Lunes ng tanghali sa Antipas, North Cotabato.

Ayon kay Antipas Police Chief Major Godofredo Tupas II, isa lamang sa 18 pasahero ng van ang nakaligtas sa trahedya.

Nakilala ang nakaligtas na si Rosario Lopez Reyes dating kapitan ng Barangay Luhong at ngayon ay nagpapagaling na sa Antipas Medical Specialist Hospital.

Sinabi ni Tupas na 16 sa mga biktima ang dead on the spot, kabilang dito ang dalawang bata.

Kabilang sa mga nasawi sina Irish Lopez, 30; Mary Jane Lopez, 52; Genevieve Vicente, 58; Kimberly Armada, 20; Xian Gellantilay, 5; Mary Grace Aaron, 38; Mark Anthony Bunda, 26; Perse Veranda Balolong, 73; Ernesto Balolong Sr., 82; Shirley Pojas, 28; at Ryse Vince Lopez Suan, 6 .

Anim naman sa mga nasawi ang hindi pa nakikilala.

Bukod kay Reyes, nasugatan din sa aksidente ang driver ng truck na si Edwin Dumapias Nasiad, helper na si Wilmark Josol Panoy at isang hitch-rider.

Batay sa inisyal na ulat ng PNP, nawalan ng kontrol ang driver ng truck kaya’t kinain nito ang kabilang linya ng highway at sinalpok ang kasalubong na van.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, nakaladkad ang van ng halos 50-metro ang layo, bumaliktad ito at nasunog na naging sanhi ng pagkamatay ng 17 pasahero.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa aksidente.