12 emission testing centers sinuspinde ng LTO
SINUSPINDE ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang 12 private emission testing centers (PETC) habang iniimbestigahan hinggil sa sinasabing “pagpapalusot” umano ng mga “non-appearance” na transaksyon.
Alinsunod sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, inilunsad ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang serye ng operasyon laban sa mga emission testing center na inireklamong namemeke diumano ng resulta ng pagsusuri ng mga sasakyang isasalang sa renewal ng rehistro.
Ayon kay IID Officer-in-Charge (OIC) Renan Melintante, natukoy na ang mga larawan ng emission testing results na ina-upload ng 12 PETC sa Image Repository Database Server ng LTO ay pineke umano o sinadyang baguhin.
Kaugnay nito ay nagpalabas na rin ng show cause order ang LTO sa mga IT provider ng 12 PETC upang pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat mabawi ang kanilang akreditasyon bunsod ng posibleng pakikipagsabwatan sa pamemeke.
Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 2012-10, mahigpit na pinagbabawalan ang mga PETC na mag-upload sa LTO Image Repository Database Server ng peke, binago, o minanipulang webcam na kuhang larawan ng sasakyan at technician upang palabasin na sumalang sa inspeksyon ang sasakyang ipinarerehistro.
“Moreover, it also provides that tampering of [a] test result or entering any false information about the vehicle being tested is a ground for withdrawal/cancellation of the PETC’s authorization,” saad pa ng DO.
Itinuturing ni Tugade na malinaw na panloloko sa gobyerno ang ginagawang pamemeke para sa “non-appearance” ng ilang nagpapa-renew ng rehistro ng sasakyan bagamat sinisikap na ngayon ng ahensya na ito’y masugpo.
“Isinasalang sa emission testing at iba pang pag-iinspeksyon ang mga sasakyan na magpaparehistro sa LTO para matiyak kung matatawag na roadworthy o ligtas itong bumiyahe. Pero kung ganito na pinalulusot dahil sa bayad na non-appearance inspection, napaka-delikadong magdulot ito ng aksidente at malagay sa panganib hindi lang ang drayber at pasahero kundi ng iba pang mga taong nasa lansangan,” pagdidiin ng LTO chief.
Kasabay nito ay tiniyak ni Tugade na magtutuloy-tuloy ang LTO sa pagmomonitor at pag-aksyon laban sa mga emission testing center na nag-aalok ng serbisyong “non-appearance” sa pag-iinspeksyon ng ipinaparehistrong sasakyan.