Cayetano Sina dating Speaker Alan Peter Cayetano at Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano

10k Ayuda naka-10k benepisyaryo na

September 14, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 1870 views

UMABOT na sa 10,458 ang mga nakatanggap ng P10K ayuda sa ilalim ng programang Sampung Libong Pag-Asa ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at mga kaalyado nitong kongresista sa BTS o Back To Service kasama na si Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano.

Pangunahing layunin ng 10K Ayuda na maiahon at hindi lamang maitawid sa kanilang lugmok na kalagayan ang ating mga kababayan dahil sa pandemyang COVID-19.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng 10K Ayuda ang ating mga kababayang nawalan ng trabaho at hanapbuhay, mga naluging malilit na negosyo, overseas Filipino workers (OFWs) at seamen, mga atleta at coaches ng ating sports community, entertainers at stand-up commedians, kawani ng food industry, at iba pang sector ng lipunan.

Nito lamang Biyernes, 200 ang nakatanggap ng P10K ayuda. Sa bilang na ito, 150 ang pinili sa pakikipagtulungan sa mga pamahalaang lungsod ng Maynila, Muntinlupa, San Juan, at Mandaluyong, samantalang 50 naman ang pinili mula sa nakalipas na Facebook livestream ng programa.

Kasama ni Cayetano na namigay ng P10K ayuda sa mga barangay health worker (BHW) si Rep. Lani Cayetano na pangunahing nagsusulong para sa mas mataas na benepisyo ng mga ito. “Si Lani has really been working hard sa ating mga frontliners, lalo sa nutrition scholars, barangay tanods, at barangay health workers. From the start, yun ang request niya sa akin, dahil ang mga barangay health workers in most areas around the country, dahil kapos o salat sa budget ang ating mga LGUs, ay allowance lang,” wika ni Cayetano.

Bagama’t allowance lamang ang natatanggap ng mga BHW, iginiit ni Rep. Lani Cayetano, na “mahalagang tulong” ang hatid nila sa mga doktor at nurse, lalo na ngayong nasa pandemya ang bansa. “Hopefully, itong Sampung Libong Pag-asa (this program) can give some hope or some help to all of you,” dagdag niya.

“Karamihan ng ating mga barangay health workers ay nananatili na allowance basis, pero hindi matatawaran ang mahalagang tulong nila sa ating mga doktor at sa ating mga nurses, lalo nang tumama sa atin ang pandemya,” ani Rep. Lani Cayetano.

Inilunsad ang Sampung Libong Pag-asa noong Mayo 1 upang bigyan ng tulong pinansyal ang mga indibidwal na lubos na tinamaan ng pandemya.

Pinangungunahan ni Cayetano ang programa na siyang nagsisilbi rin bilang kampanya ng grupo para sa pagkakasama ng P10,000 ayuda sa panukalang Bayanihan 3.

AUTHOR PROFILE