Mendoza Atty. Vigor “Mr. Transportasyon” Mendoza II

1-UTAK nagpasalamat kay DU30, Tugade

May 17, 2022 Jun I. Legaspi 981 views

TAOS-pusong pasasalamat ang pinaabot ng mga transport groups kay President Rodrigo Roa Duterte at Transportation Secretary Arty Tugade sa Public Utility Modernization Program (PUMP) at Libreng Sakay program.

Sa ginawang pulong ng mga transport group sa Quezon City sa pangunguna ni Atty. Vigor Mendoza II, chairman at presidente ng 1-United Transport Alliance Koalisyon (1-UTAK) at fleet operator ng Beep Jeep, pinaabot ng grupo ang kanilang taimtim na pasasalamat kay Presidente Duterte at DOTr (Department of Transportation) Sec. Tugade sa pagpirma sa isang bukas na liham ng pasasalamat.

Kasama ang halos 50 Metro Manila Transport Group (MMTG) leaders, idiniin ng grupo ang matatag na “political will” ng Pangulo at DOTr sa pagpapatupad ng jeepney modernization at libreng sakay.

Ayon sa grupo dahil sa mga programang ito, napaganda ang serbisyo nila sa mga pasahero – air conditioned na mga sasakyan at mas disiplinadong driver.

Naitaas din raw ang kita ng bawat miyembro/empleyado. Ang mga tsuper ay umaabot ang kita ng higit sa P1,000 kada raw, at may benepisyo pa silang Philhealth, SSS (Social Security System) at Pag-Ibig.

Napababa din ang mga gastusin dahil sa pagpapatupad ng fleet management system, automated fare collection system, at GPS (global positioning system).

Marami pang pagpapaganda ang maaari sanang magawa para mahikayat pa ang publiko sumakay sa mga behikulo sa halip na gumamit ng pribadong sasakyan na nakakadagdag lang sa bigat ng daloy ng trapiko.

Kumpiyansa naman ang 1-UTAK at mga miyembro nito na ipagpapatuloy ng susunod na adminstrasyon ang PUJ (public utility jeepney) modernization at free rides program.

Maraming pagsubok ang dinaanan ng industriya ng transportasyon gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo krudo, pagtaas ng mga bilihin, trapiko at lockdown dahil sa pandemiya.

Maituturing na ang PUJ modernization at libreng sakay ang nakatulong sa industriya sa gitna ng krisis at patuloy na pandemiya.

Dagdag pa ng transport group, “Asahan ninyo na ipagpapatuloy namin ang inyong mga programa para sa ikagaganda ng aming serbisyo publiko.”  Ni Jun I. Legaspi

AUTHOR PROFILE