Default Thumbnail

1 sa kawatan ng kable tiklo; baril nakumpiska

April 3, 2023 Edd Reyes 263 views

ISA sa dalawang kawatan ng kable ng kompanya ng telepono ang nadakip habang nasa akto sila ng kanyang kasama na nagpuputol ng kawad sa poste ng Meralco, Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Bukod sa mga nabawing pinutol na mga kable ng telepono, nakuha pa sa naarestong suspek, 31, ng Bgy. Bagbaguin, Caloocan City, ang isang kalibre .38 sumpak na may lamang isang bala, pati na ang gamit nilang motorsiklo.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura na kasalukuyang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station 8 sa pangunguna ni P/SSgt. Rio Agustin nang matiyempuhan nila ang dalawang lalaki na magkatuwang na nagpuputol ng kable ng BayanTel sa harap ng isang establisyimento sa Benito Hao Street, Bgy. Mapulang Lupa.

Gayunman, bago pa makalapit ang pulisya sa dalawa ay kaagad na naka-akyat ang isa sa suspek sa bakod hanggang tuluyang makatakas, dala ang lagaring bakal na kanilang ginagamit na pamutol ng mga kawad.

Sinabi ni Destura na bukod sa kasong pagnanakaw, sasampahan din nila ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang nadakip na suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office habang patuloy na tinutugis ang kanyang kasabwat.

AUTHOR PROFILE