PCG Source: PCG

China ‘nam-bully’ na naman!

April 30, 2024 Zaida I. Delos Reyes 67 views

Barko ng BFAR binomba ng water cannon

BINOMBA ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kasagsagan ng ikinasang maritime patrols sa katubigang bahagi ng Bajo de Masinloc.

Ito ang inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela.

Paliwanag ng opisyal, naganap ang insidente nitong Martes kung saan bago pa ito ay nagsagawa muna ng dangerous maneuvers at obstruction ang apat na barko ng CCG at anim na barko ng Chinese maritime militia.

Sinabi ng opisyal na direktang tinamaan ng water cannon ang starboard astern ng BFAR vessel.

Bukod dito, ginamitan din ng dalawang barko ng CCG ng kanilang jey stream water cannon ang mga barko ng PCG mula sa magkabilang gilid na nagdulot naman ng pinsala sa rehas at canopy ng barko.

Ang pinsalang ito ay nagsisilbing katibayan na malakas ang pressure ng tubig na ginamit ng China sa kanilang pinakabagong pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas, ani Tarriela.

Naglagay din aniya ng floating barrier ang CCG sa lugar na may habang 380 metro na sumasakop naman sa buong bukana ng Bajo de Masinloc, o tinatawag ding Scarborough Shoal, na naglilimita sa access ng mga Pilipino sa naturang lugar.

Kaugnay nito, nanindigan naman ang PCG at BFAR vessels na ipagpatuloy ang kanilang pagpapatrolya sa lugar sa kabila ng panggigipit at mapanuksong aksyon ng CCG.

Tiniyak din ng mga ito na hindi sila mapipigilan at magpapatuloy sa pagsasagawa ng kanilang mga lehitimong operasyon upang suportahan ang mga mangingisdang Pinoy at matiyak ang kanilang kaligtasan.