Wikang Filipino para sa Serbisyo Publiko

August 29, 2022 People's Tonight 1011 views

RobinNGAYONG araw ay hudyat na po ng pagtatapos ng Buwan ng Agosto — ang natatanging buwan sa buong taon kung saan opisyal na binibida natin ang ating Pambansang Wika.

Gayong batid natin ang halaga nito, nakakatawa pa rin para sa iilan na nagsasabing natatangi ang ating bansa sa buong mundo na nagdiriwang ng kahalagahan ng wika sa loob ng isang buwan para lamang tila isantabi ito sa natitirang bahagi ng taon.

Marahil ay hindi nga kalabisan na ituring na tayo ay may krisis sa wika.

Sa isang banda, unti-unti nang nawawala ang ating mga mga katutubong dayalekto at lenguwahe samantalang ang iba ay tuluyan ng naglaho base sa mga pag-aaral. Kita rin natin ang kawalan ng prayoridad para linangin ito. Katunayan, ang asignaturang Filipino at Panitikan ay tinanggal na sa kolehiyo sa pamamagitan ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013.

Nakalulungkot din na sa kabila ng mga pag-aaral na ang Filipino ay kasalukuyan nang “intellectualized” o linang para maging midyum ng pagtuturo, pag-aaral at pakikipagtalastasan ay marami pa rin ang mababaw ang pagtanaw dito.

Katunayan, ang inyong lingkod mismo ay nakaranas ng panlilibak dahil sa aking panawagan para sa mas malawak na paggamit ng Wikang Fipino sa loob ng Senado. Marami ang nagkomento na ito ay batayan ng mahinang pag-unawa sa Ingles at hindi tumutugon sa globalisasyon at international standards. Ang tanong natin: Ano ang masama sa paggamit ng wikang Filipino kung ito ang ang magiging tulay sa pagitan ng mamamayan at gobyerno?

Ang wikang pambansa, higit sa lahat, ay dapat maging wika ng serbisyo publiko; ang wika na bubuhay sa pambansang kamalayan, pagkakaunawaan, pakikipag-ugnayan at pagkakakilanlan.

Kaya naman po masigasig tayo sa pagsusog sa pantay na pagtrato sa wikang Filipino at wikang Ingles sa Senado. Ito po ang Senate Bill No. 228 o ang Equal Use of Official Language Act na naglalayong isabatas ang paglilimbag at paglalathala hindi lamang sa wikang Ingles, kundi pati na rin sa Filipino ng mga importanteng dokumento ng gobyerno. Naniniwala po ako na kung palalawigin ang gamit ng wikang Filipino na ating arteryal o inang wika, mas magkakaunawaan po tayong lahat.

Kung iisipin, kinikilala ang Filipino bilang isang “buhay na wika.” Mabilis itong pinayaman ng pang-araw-araw na pagbabago. Maging ang wikang Ingles ay tumutugon sa dynamic na gamit ng ating wika. Katunayan po, ang ilan sa ating mga salita, lalo na ang mga walang direktang pagsasalin sa Ingles, ay kinikilala na sa English dictionary.

Kasama sa mga kamakailang karagdagan sa Oxford Dictionary ang mga salitang kilig, bongga, at adobo. Mayroon ding mga salitang Filipino na base sa Ingles na nakakuha ng bagong kahulugan sa kultura, tulad ng gimik (night out), bold (pornography), at high blood (galit).

Isa lamang ang kahulugan nito: binibigyang puwang ang mga salita mula sa Pilipinas at kinikilala ng mga banyaga ang ambag ng wikang Filipino sa pagpapayaman at pagbabago ng wikang Ingles.

Kung bukas sa pagkilala ang wikang Ingles sa Filipino, hindi ba’t dapat na mas maagap tayo hindi lamang sa pagkilala kundi sa paggamit at paglinang ng ating wika?

Mahalaga po ito lalo na sa gitna ng pagbabago sa pamamaraan ng komunikasyon sa social media, text at internet messaging gamit ang pinaikling salita, emoticons, balbal at hashtags na maaring magdulot sa maling paggamit ng wika at hindi pagkakaunawaan.

Tandaan po natin: sa isang bansang demokratiko, napakahalaga ng iisang wika na nauunawaan ng nakararami para sa mas mabisang pakikilahok at pagkikipag-ugnayan ng ating mga mamamayan.

Malinaw po ang ating punto: higit 26 milyong Pilipino ang nagluklok sa inyong lingkod sa Senado; marami ang nagtiwalang kaya nating ipaabot ang kanilang hinaing at sentimyento sa gobyerno; at ang pinakamabisang paraan para maiparinig ang kanilang boses at makapaglingkod sa taumbayan ay ang paggamit ng wikang nauunawaan ng lahat—isang pambansang wika na magbubuklod sa ating bayan. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE