Default Thumbnail

”Muling buhayin ang produksyon ng asin. As in!” – Villanueva

August 29, 2022 Marlon Purification 629 views

Marlon PurificationLABIS na nag-aalala si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pahayag ng Department of Agriculture na diumano’y hindi kaya ng Pilipinas na gumawa ng asin para sa pansariling gamit dahil sa kapabayaan ng gobyerno sa nagdaang 15 na taon.

“Nakakahiya naman po ito para sa isang bansang arkipelago na may mahigit na 36,000 kilometro ng baybayin. Huwag po nating sayangin pa ang potensyal nitong lumikha ng trabaho para sa bawat Pilipino sa bawat pulo ng bansa sa pagbuhay muli ng industriya ng salt production,” sabi ng senador.

Napabalita rin na sinabi ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na kasalukuyang umaangkat ng 93 porsyento ng asin ang bansa mula sa Australia at Tsina.

Kinumpara ito ni Villanueva sa ulat noong 15 porsyento lamang ang inaangkat ng asin ng bansa noong 1990.

“I am quite salty about the state of our salt production industry. Hindi pa po huli na maging net exporter tayo ng asin,” sabi niya.

Naghain ang senador ng Senate Resolution No. 100 para imbestigahan kung paano pababangunin muli ng gobyerno ang salt production industry ng bansa upang makalikha ng trabaho at magpalago ng ekonomya.

Sinabi ni Villanueva na kailangang matugunan ng gobyerno ang mga balakid sa pag-unlad ng salt production industry ng bansa. Kasama rito ang pangangailangan sa mga storage facilities, at kakulangan sa mga kagamitang gaya ng mga water pump at bangka para sa paghakot at pag-imbak ng asin.

Kinatigan din ng senador ang pahayag ng Department of Labor and Employment na bumuo ng roadmap para sa salt industry na makakalikha ng 100,000 na trabaho mula sa pagkakaroon ng mga bagong istratehiya at pagbigay ng training para sa industriya.

“Kapag binuhay nating muli ang produksyon ng asin sa bansa, makakalikha tayo ng trabaho, magkakaroon tayo ng sapat na suplay ng asin para sarili nating gamit, at kikita pa ang bansa dahil sa exportation. Triple win ito para sa bansa,” sabi ni Villanueva.

Sa ganang akin, napapanahong pag-usapan ang hinggil sa naghihingalong industriya ng asinan sa bansa.

Masyado naman kasing nakalulungkot na tayong Pilipinas na pinalilibutan ng karagatan ay siya pang nawawalan ng supply ngayon ng mga produktong asin.

Para sa kaalaman ng lahat, ang asin po ay mula lamang sa tubig mula sa dagat.

Talagang kulang lang sila sa suporta hindi lamang ng national government, kundi suporta mismo ng local na pamahalaan.

Bukod dito, isa sa tingin nating dahilan kung bakit pinababayaan ang industriya ng asinan dahil muli na namang nakakakikita ng tongpats ang ilan para naman ma-justify ang plano muling pag-import ng asin.

Wala itong iniwan sa isyu ng asukal at bigas na pilit pinalalabas na may ‘shortage’ sa supply, pero iyon pala ay artificial lamang.

Sana lang ay magbunga ng maganda ang planong ito ni Senator Joel Villanueva para hindi tuluyang mabura sa industriya ng asinan sa bansa.