Default Thumbnail

‘Wag muna ipatupad ang premium hike ng PhilHealth!

January 18, 2024 Paul M. Gutierrez 130 views

PaulHINDI pa man nakakabangon ang ating mga kababayan sa mga sunud-sunod na taas presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, heto at sasabay pa sa dagdag pabigat ang napipintong pagtataas ng singil sa kontribusyon ng PhilHealth.

Sa ganang atin, kung talagang nasa batas at hindi na mapipigilan, marapat lamang na ipagpaliban muna ang planong premium hike, hanggang sa maka-recover ng kaunti sa mga nagdaang pasakit dulot ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Ramdam pa rin natin ang epekto ng inflation, mataas na presyo ng bigas, taas-pamasahe dahil sa wala ring humpay na oil price hike, taas-singil sa tubig at kuryente, at iba pa—na ang resulta ay pagtaas sa presyo ng basic commodities.

Inilarawan nga ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee na malaking kawalan ng hustisya ang napipintong premium hike, sabay pahayag ng pagkadismaya na mukhang mauuna pa yata ipatupad ang dagdag singil sa premium ng Philhealth kaysa matagal nang panawagan na 30 porsiyentong pagtaas sa serbisyong ibinibigay ng ng ahensiya.

Inihayag ng Philhealth kamakailan ang pagtataas sa premium ng isang porsiyento, mula 4 porsiyento ay magiging 5 porsiyento na, batay umano sa Universal Health Care Law. Layunin daw ng premium hike na mapalawak ang mga benepisyo at programa para sa mga miyembro.

Kung ang mandato ng Philhealth ay makatulong sa mga gastusin medikal ng ating mga kababayan, eh mukhang mas marami ang magkakasakit, partikular sa alta-presyon, dahil sasabay pa ang pagtataas ng singil sa iba pang pasanin ni “Juan dela Cruz.”

At tila hindi pa naman gan’un ka “urgent” magtaas agad ng premium, dahil batay sa isiniwalat ni Rep. Lee, mayroon pang sapat na pondo ang Philhealth na halagang P466 bilyon na investible fund at P68.4 bilyon net income, batay sa naganap na budget hearing ng Department of Health noong nakaraang September 2023.

Ano nga bang pakinabang ng sobra-sobrang pondo sa PhilHealth kung matutulog lang sa bangko sa halip gamitin para sa dagdag serbisyo sa mga miyembro?

Kaya sana, pag-isipan mabuti ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, na ipagpaliban muna ang taas-singil sa PhilHealth, upang maibsan ang pasanin ng ating mga ordinaryong kababayan.

AUTHOR PROFILE