Default Thumbnail

Vietnamese nat’l, huli sa shabu

January 2, 2023 Edd Reyes 344 views

NAHULOG sa kamay ng batas ang isang Vietnamese National matapos niyang tanggapin ang bag na naglalaman ng ilegal na droga sa isinagawang entrapment operation ng pulisya Linggo ng umaga sa Makati City.

Kaagad dinakma ng mga tauhan Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Makati Police si Nguyen Luong Hal, 30, nang tanggapin niya sa isang Grab driver ang eco bag na ipinadeliver sa kanya sa harapan ng tinutuluyang condominium sa kanto ng Salcedo at Benavidez Streets, Bgy. San Lorenzo dakong alas-8:05 ng umaga.

Sa tinanggap na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo mula kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, dakong alas-7:30 ng umaga nang magtungo sa tanggapan ng SIDMS sa headquarters ng Makati Police ang 43-anyos na deliver rider upang iulat ang tinanggap niyang eco bag na sa kanyang hinala ay may lamang ilegal na droga.

Ayon sa delivery rider, tinanggap niya ang eco bag sa isang lalaki at isang babaeng Vietnamese sa harapan ng isang gusali sa Malugay St. Bgy. Bel Air na ipinadedeliver sa kanya sa kanilang kababayan.

Naghinala ang rider na may lamang kontrabando ang eco bag nang tumanggi ang mga banyaga na sabihin kung ano ang laman nito kaya’t siya na mismo ang sumilip at dito niya napansin ang ilegal na droga kaya’t dinala niya kaagad ito sa pulisya.

Ikinasa naman ng mga tauhan ng SIDMS ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek habang hinahanap pa ang dalawa niyang kababayang nagpadala ng eco bag na naglalaman ng humigit kumulang isang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800, iPhone, isang paketeng sigarilyo, at isang kahong face mask.

Pinuri naman ni Estomo ang kooperasyong ipinamalas ng delivery rider, pati na ang agarang pagtugon ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa dayuhang Vietnamese.

Nahaharap ang dayuhan sa kasong paglabag sa Section 11 ng Article II ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 sa piskalya ng Makati City.

AUTHOR PROFILE