Default Thumbnail

Basurero binaunan ng bala sa Payatas

January 2, 2023 Melnie Ragasa-limena 196 views

PATAY sa isang tama ng bala sa dibdib ang isang basurero matapos barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki habang papauwi na sa kanilang bahay sa Quezon City, Lunes ng madaling araw.

Ang biktima ay may live-in partner, basurero, at residente ng Barangay Payatas, Quezon City.

Sa report ng Payatas-Bagong Silangan Police Station (PS 13), ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:40 ng madaling araw (Enero 2), nang maganap ang insidente hindi kalayuan sa bahay ng biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Rhic Roldan Pittong ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, nakarinig umano ng isang putok na baril ang mga residente sa lugar.

Nang usisain ay tumambad sa kanila ang nakahandusay at duguang biktima habang papatakas naman ang suspek na may taas na 5’7, nakasuot ng black jacket at yellow short, na may hawak na hindi pa batid na kalibre ng baril.

Naisugod pa sa Rosario Maclang Bautista Hospital ang biktima pero idineklara na siyang dead on arrival ng attending physician dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang dibdib na tumagos sa likuran.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nakatakas na salarin.