Ice

Vic kay Ice: I will love you forever

October 17, 2022 Ian F. Fariñas 285 views

PAREHONG emosyonal sina Ice Seguerra at Vic Sotto nang magsama sa stage para awitin ang Somewhere Out There sa katatapos na Becoming Ice 35th anniversary concert ng OPM hitmaker na ginanap nitong Sabado sa The Theatre at Solaire.

Nagpalitan pa sila ng linyang “huwag kang iiyak!” sa gitna ng pagkanta. Hindi tuloy naiwasan ng audience na madala sa emosyon ng “mag-ama” at karamihan sa kanila ay nangilid din ang luha sa nabanggit na eksena.

Common knowledge na matipid magsalita si Bossing Vic, na nakasama ni Ice mula Eat Bulaga hanggang Okay Ka, Fairy Ko at iba pa nu’ng siya’y munting bata.

Sa Becoming Ice, naging generous si Vic sa pagpapakita kung gaano kaimportante si Ice sa buhay niya.

Ayon kay Bossing, sobrang proud siya sa narating ni Ice bilang singer.

“Nakarating ka na ng Solaire,” biro niya sabay sabing, “Basta ako, proud. Teka, isang tanong na lang. Nabanggit mo ‘yung pagkanta-kanta natin, natatandaan mo ba kung ano ‘yung unang kanta na itinuro ko sa ‘yo?”

Nang kantahin ni Ice ang unang linya nito, ani Vic, “Ang galing mo! Will You Still Love Me Tomorrow.”

Ganti ni Ice, “Of course, I will.”

Na sinagot naman ng TV host-comedian ng, “I will love you forever” sabay babu sa audience, “thank you, fans!”

Dahil sa malaking tagumpay ng Becoming Ice, nangangamoy repeat ang maiden offering na ito ng Fire and Ice Media Productions, Inc. ng mag-asawang Ice at Liza Diño.

Maliban sa moving number na iyon nina Ice at Vic, nagmarkda rin sa jampacked crowd ang iba pang spots tulad ng sa Tres Marias nina Lolita Carbon, Cookie Chua at Bayang Barrios, Broadway medley kasama si Martin Nievera, pakikipagbiritan with Regine Velasquez, rakrakan portion nila ni Chito Miranda, karaoke segment nina Juris, Sitti at Princess at siyempre pa, ang paghataw ni Ice kasama (albeit virtually) si Mr. Pure Energy Gary Valenciano at Maneouvres brothers na sina Joshua at Jason Zamora.

Makabagbag-damdamin din ang pag-awit ni Ice habang kasama sa stage sina Mommy Caring at Juanchi (kapatid ni Ice), Liza, Amara at nanay-nanayan niyang si Sylvia Sanchez, na nakipag-jamming ng Kahit Maputi na ang Buhok Ko.

Mahigit tatlong oras tumagal ang concert na talaga namang sulit matapos ang tatlong taon ng pananamlay at pananahimik ng local live concert scene dahil sa Covid-19 pandemic.

AUTHOR PROFILE