Kotse Ang kotse ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. Source: BuCor

Van ni BuCor chief Catapang pinaulanan ng bala sa QC

March 19, 2024 Melnie Ragasa-limena 91 views

PINAULANAN ng bala ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang sasakyan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., sa Quezon City noong Martes.

Ayon sa ulat, ipinahiram ni Catapang ang bullet proof niyang Toyota Hilux (WDQ 811) sa kanyang Deputy Director General for Administration na si Atty. Al Perreras.

Batay sa report, dakong alas-6:30 ng umaga sakay ng Hilux ang mga security escort na sina CO1 Cornelio Colalong at CO1 Leonardo Cabaniero, kasama ang isa pang back up na Toyota Innova na minamaneho naman ni CSO2 Edwin Berroya, kasama si CO2 Michael Magsanoc upang sunduin si Perreras sa Quezon City.

Pero pagsapit sa Skyway patungo sa Quezon City, bigla na lamang na-overtake ang hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng kulay abong Toyota Vios sa backup car na Innova na at pinagbabaril ang nasa unahang Hilux na pag-aari ni Catapang.

Hindi naman nasugatan ang mga sakay ng sasakyan dahil bullet proof ito pero tinamaan ang likurang windshield at nabasag ang bullet proof glass.

Gayunman, hindi umano tumagos ang bala na patungo sana sa passenger front side ng sasakyan kung saan karaniwang nakaupo si Perreras.

Sinabi ni Catapang na matagal na silang nakatatanggap ng mga pagbabanta sa buhay ni Perreras mula nang ipatupad nila ang iba’t-ibang reporma sa bilibid.

Tiniyak ng BuCor chief na hindi sila matitinag at ipagpatuloy ang kanilang nasimulan sa kabila ng insidente at mga pagbabanta sa kanilang buhay.