Default Thumbnail

Umaaray ang mga magsasaka!

March 30, 2022 Vic Reyes 767 views

Vic ReyesUMAARAY na ang mga magsasaka dahil sa taas ng production costs nila pero bumababa naman ang presyo ng kanilang produkto, kasama na ang mga gulay.

Paanong hindi malulugi ang mga kawawang magsasaka eh bumabaha sa bansa ang mga puslit na gulay, na ipinagbibili sa murang halaga.

Ang mahirap kasi, masyadong malawak ang coastline ng bansa. Mahirap talagang bantayan kung saan ipinupuslit ang mga produktong pang-agrikultura.

Naniniwala tayo na kung dito lang sa Maynila idinaan ang mga kontrabando ay madali itong mahuhuli ng mga taga-Bureau of Customs (BoC).

Nakikita naman natin kung paano suyurin ng BoC ang mga bodega sa Metro Manila at mga probinsiya, kung saan iniimbak ang mga puslit na agri products.

Alam kasi ng mga taga-BoC na walang kalaban-laban ang mga kababayan nating magsasaka. Hindi nila kayang makipagsabayan sa mga nagtitinda ng mga gulay na galing ng ibang bansa na kagaya ng China.

Kaya nga nagpapasalamat tayo sa mga miyembro ng House of Representatives dahil gumagawa sila ng paraan para matulungan ang mga kawawang magsasaka.

Ang gusto ng House committee on ways and means ay amiyendahan ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ang pag-amiyenda sa CMTA ay naglalayong paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa “agricultural smuggling” para maprotektahan kapakanan ng mga magsasaka.

Nais ni Rep. Joey Salceda ng Albay ay bumuo ng technical working group para bumalangkas ng mga rekomendasyon na isusumite nila sa susunod na administrasyon.

Nakatakdang kasing matapos ang administrasyong Duterte sa tanghaling tapat ng Hunyo 30.

Ang mahirap lang dito ay baka iba naman ang nasa isip ng mga mananalong mambabatas kung paano labanan ang ismagling ng mga produktong agrikultura.

Sana naman i-adopt na lang ng mga bagong mambabatas ang mga rekomendasyon na ilalatag ng mga miyembro ng kasalukuyang House committee on ways and means.

Hindi ba, Cong. Joey Salceda?

*****************

Magandang balita ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pero marami pa rin ang kinakabahan dahil nandiyan pa rin ang nakahahawa na coronavirus disease na nagpahirap sa mundo sa nakaraang dalawang taon.

At hindi pa rin nababakunahan ang lahat ng mahigit isang daang milyong Pilipino, kasama na ang mga menor de edad at senior citizens sa buong Pilipinas.

Paano ka nga ba naman hindi kakabahan, sobra ang pagsisiksikan ng mga tao sa mga motorcade at pa-meeting ng mga kandidato sa darating na eleksyon.

Sana huwag natin kalimutang magsuot ng maskara kapag nasa labas tayo ng bahay at lagi tayong dumistansiya sa ibang tao kagaya ng utos ng mga otoridad.

Ugaliin ding maghugas ng kamay. Madali lang namang sundin ang mga health protocol na ito.

Huwag sana nating sapitin ang mga nangyayari ngayon sa ibang bansa na kung saan maraming nagkakasakit muli ng COVID-19.

Kapag nangyari ito sa Pilipinas ay baka mahirapan na tayong bumangon dahil wala ng pera ang gobyerno para ipambili ng bakuna at pangangailangan ng taumbayan.

Lumobo na sa mahigit P13 trilyon ang ating domestic at foreign debt ng bansa.

Ang problema ay saan naman tayo kukuha ng pambayad sa ating mga utang?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE