Default Thumbnail

Uri, hugis at sukat ng diskriminasyon

March 30, 2022 Allan L. Encarnacion 570 views

Allan EncarnacionMALAWAK ang mukha ng diskriminasyon.

Iba’t ibang kulay, magkakaibang hugis at may kanya-kanyang sukat.

Sa Amerika, ang tingin natin ay “world’s capital’ pag dating sa usapin ng diskrimimasyon, lalo na nitong nakaraang dalawang taon dahil sa serye pananakit, pamamaslang sa mga hindi nila kauri at kakulay.

May bagong batas sa Amerika na nilagdaan ni Biden na direktang tugon sa hate crime na pinalalaganap ng mga taong superior ang tingin sa kanilang sarili. Ang Emmet Till Law na nagpaparusa sa gagawa ng pananakit, pagpatay ay hinugot sa 1955 case ng isang 14 anyos na black boy na si Emmet na pinagtulungang patayin ng mga puti subalit inabsuwelto ng all white jury.

Nakatingin lang tayo sa Estados Unidos pero nangyayari rin ang diskriminasyon kahit saang bahagi ng mundo.Sa madalas na pagkakataon, hindi naman nakakaangat sa buhay ang gumagawa ng diskriminasyon. Mga mahihirap din na puti ang palasak sa pagiging racist. Basta ang tingin nila sa kanilang mga sarili, bida sila at ang mga hindi nila kakulay ang kontrabida.

Nakatingin lang tayo sa bayan ni Uncle Sam pero nangyayari rin ang diskriminasyon kahit saang bahagi ng mundo.

Huwag na tayong lumayo, dito lang sa atin, hindi diskriminasyon ng kulay ang sentro ng mga pangyayari. Dito naman, diskriminasyon sa estado ng buhay. Master and servant, rich vs poor, powerful vs weak, fortunate vs privileged.

Natatandaang ko may isang pagkakataong tinawagan ako ng aking inaanak dahil ang kanyang ama na kaklase ko sa high school ay naospital. Dinatnan ko ang aking kaklase na nasa sahig ng emegency room. Napaiyak na lang ako sa aking nakita noong gabing iyon.

Sinabihan ko ang mga hospital staff kung bakit ganoon sila magtrato sa pasyenteng mahirap. Ang katwiran nila, wala raw bakanteng kama. Ayaw nilang amining walang pera ang pamilya ng pasyente.

Ito iyong sinasabi kong isang hugis at sukat ng diskriminasyon. Pribadong ospital iyon. Posibleng hindi ganoon ang aking dinatnan kung may pera ang aking kaklase.

Ang insidente ng pananapak at pagpapaluhod sa pobreng guwardiya ng isang anak ng maipluwensiya ay hindi lang minsan nangyari. Baka nakakalimutan natin ang ponanampal ng multi-national company executive sa isang traffic enforcer dahil lang hinuli siya sa violation?

Iyong paninikmura ng isang kongresista sa isang airport personnel dahil lang pinadadaan siya sa security protocol? Iyong pagsasaboy ng mainit ng tubig sa katulong? Iyong pamamalantsa sa mukha ng kanilang kasambahay? Iyong pagpapapila sa mga mahihirap nating kababayan sa mga ahensiya ng gobyerno? Iyong pag-overtake ng mga nakawangwang habang ikaw ay naiipit sa traffic congestion? Iyong pagpapaaresto sa akin at harangin sa pintuan ng korte para hindi makapiyansa sa kasong libel?

Ilan lang ito sa binabanggit nating samu’t saring kulay, hugis at sukat ng diskriminasyon na bahagi ng buhay nating lahat.

Ang kagandahan lang sa Amerika, direktang tinukoy ang racism at ang epekto nito ang paparusahan sa bagong batas. Dito sa atin ay walang kongkretong batas para rito.

Iyong papanampal at pagpapaluhod ng mayaman sa mahirap na guwardiya ay nagiging “slight physical injury case” lang na kung makasuhan, P200 lang piyansa.

Hindi pa sa pananakit, ito ay krimen laban sa dignidad at krimen laban sa pagkatao.

Kaya paulit-ulit na ginagawa ito ng mga taong maimpluwensiya tulad ng ginawa ng ospital sa aking kaklase ay dahil mismo normal lang ang pang-aapi sa mga mahihina sa ating bansa. Hate crimes din ang mga ito, racism din ang tawag dito.

Hanggang kailan at hanggang saan mangyayari sa atin ang mga ito? Walang makapagsasabi dahil nagiging normal na kaganapan ito sa araw-araw pero walang ginagawa ang lipunan, walang ginawa ang estado para totohanang matigil ito.

[email protected]