Default Thumbnail

Tsuper ng taxi ‘kinuyog’ sa Kyusi

February 8, 2023 Melnie Ragasa-limena 254 views

ISANG 52-anyos na taxi driver ang pinagtulungan bugbugin umano ng kapwa tsuper, kasama ang dalawa pang lalaki habang kumakain ang una sa karinderya ng dating kalive-in diumano ng huli sa Quezon City, Martes ng gabi.

Ang biktima ay, walang asawa, taxi driver, tubong Misamis Oriental, at residente ng Sampaloc, Maynila.

Ang mga suspek, isa ring taxi driver at dalawang suspek na residente rin sa lungsod.

Sa report ng Quezon City Police District (CPD), bandang 9:00 ng gabi (Pebrero 7), nang maganap ang insidente sa tabi ng supermarket sa Del Monte Ave., kanto ng Cordillera St., Bgy. Maharlika, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Jose Eusebio Banua, sumugod umano sa karinderya ng dating kalive-in ang pangunahing suspek na tsuper, kasama ang dalawa pang suspek na pawang lasing at armado ng tubo at sa hindi malamang dahilan ay galit na galit diumano na pinalalabas ang biktima.

“Lumabas ka d’yan! P… ina mo, halika dito. Wawasakin ko taxi mo pag di ka lumabas!” banta ng suspek sa biktima na noon ay nasa loob ng karinderya ng dating kalive-in habang pinagpapalo ng mga suspek ng tubo ang isang taxi.

Dahil dito, lumabas ang biktima at kinompronta ang suspek pero bigla siyang pinalo ng tubo sa ulo dahilan upang bumagsak ang biktima.

Nang makita ng mga residente ang pangyayari ay agad nilang inireport sa mga opisyal ng barangay ang insidente na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.

Agad namang dinala sa ospital ang taxi driver upang bigyan ng karampatang lunas ang tinamong sugat sa ulo.

Gayunman patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na insidente.

Nahaharap sa kasong malicious mischief at physical injury ang mga suspek.