Default Thumbnail

TSIP, BAWAL PO MAGTINDA NG SHABU!

February 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 237 views

Pulis, 2 pa arestado sa Cotabato buy-bust

TATLO katao kabilang ang isang pulis ang naaresto ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng mahigit P400,000 halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drugs operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes ng gabi sa Cotabato City.

Nakilala ang mga naaresto na sina Patrolman Jassim Aking, nakatalaga sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), Sindatu Macmud at Fatima Usman.

Sa ulat kahapon ni Jocelyn Mary ng PDEA-BARMM, ang buy-bust operation ay isinagawa dakong 6:45 ng gabi sa kahabaan ng San Isidro St., Barangay Rosary Heights 10 ng nasabing lungsod.

Nakuhang makipag-transaksyon ng isang undercover agent ng PDEA sa mga suspek at nakakuha ng P340,000 na halaga ng shabu.

Matapos na magkapalitan ng iligal na droga at buy-bust money ay saka inihudyat ang pagdakip sa mga suspek na hindi na nakapalag ng palibutan ng mga ahente ng PDEA.

Bukod sa nabatid na halaga ng shabu sa ginawang transakyon ay ilang sachet pa ng nasabing iligal na droga ang nakuha sa multicab na dala ng mga suspek.

Napagalaman pa kay Mary na halos dalawang buwan ng under surveillance ng PDEA-BARMM ang pulis na si Aking dahil sa iligal nitong Gawain, bago ikasa ang operasyon laban dito.

Sa ngayon ay nakakulong na ang mga suspek sa PDEA-BARMM detention cell at bukod sa kasong kriminal ay inihahanda na rin ang kasong administratibo laban dito.