Default Thumbnail

Trike driver arestado sa pagkamatay ng kapwa triker

November 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 210 views

NAHAHARAP sa kasong murder ang isang tricycle driver matapos umanong saksakin hanggang sa mamatay anc kapwa niyang tsuper sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Michael Adriano Pamandanan, 36, may asawa, driver, at residente ng 19-B Bustamante St., Brgy. San Isidro, Quezon City.

Agad namang nadakip ang suspek na si Julius Labriaga, 28, binata, tricycle driver, tubong San Jose Del Monte, Bulacan at nakatira sa 53 G. Tuazon, Sampaloc Manila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:40 ng gabi (November 16), nang maganap ang insidente sa kanto ng Bustamante St., at Luzon Avenue, Brgy. San Isidro, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCPL Lorenz Mappala ng CIDU, nagsasagawa umano ang mga operatiba ng Galas Police Station (PS 11) na sina PCMS Carlito Tan, Pat Joselito Quizzagan, Pat Louie Rens Crisostomo at Pat Randy Balanay ng anti-criminality patrol sa lugar, nang mamataan ang komosyon sa pagitan ng biktima at suspek.

Nang kanila nang beberipikahin ay nakita nila na bigla na lamang duguang bumagsak ang biktima habang nakatayo sa harapan niya ang suspek na may hawak na patalim.

Subalit nang makitang papalapit na ang mga pulis ay tumakbo ang suspek pero agad din siyang nadakip.

Naisugod pa United Doctors Medical Center ang biktima pero binawian din ito ng buhay bandang 12:30 ng madaling araw, November 17, ayon kay Dr. Andalecio Merlita, sanhi ng tinamong malalalim na saksak sa katawan.