Default Thumbnail

Traffic enforcer napagkamalang karnaper dedo sa pamamaril

October 13, 2022 Melnie Ragasa-limena 272 views

DEAD on the spot ang isang traffic enforcer matapos barilin ng isang pulis-Maynila nang mapagkamalang “karnaper” nitong Huwebes ng madaling araw sa Quezon City.

Ang biktima ay nagtatrabaho bilang traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na nasa ilalim ng tanggapan ng QC Mayor.

Ang suspek na pulis ay nakatalaga sa anti-carnapping unit ng Manila Policce District (MPD).

Batay sa report ng Masambong Police (PS 2), bandang 4:40 ng madaling araw (Okt. 13), nang maganap ang insidente sa harapan ng Muñoz Market na matatagpuan sa EDSA sa Bgy. Veterans Village, sa naturang lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Haru Gil Manzano ng PS 2, ayon sa kasama ng biktima, binabaybay umano ng mga ito ang kahabaan ng EDSA sa gawi ng Roosevelt sakay ng kani-kanilang motorsiklo nang masira ang kaniyang motor.

“Huminto pa kami doon sa gitna kasi may mga trak, tapos tinulak namin hanggang doon sa may gilid. Sabi ko,’Tol, wait lang,” ayon sa saksi.

Habang abala umano sila na ayusin ang nasirang motor ay isang lalaki ang lumapit sa kanila at biglang malapitang binaril ang biktima.

Bagama’t may tama ng bala ay nagawa pa umano ng biktima na paandarin ang kaniyang motorsiklo at nag-counterflow sa EDSA para humingi ng saklolo sa mga nakapuwestong pulis sa tabi ng Muñoz Market.

Pero bago pa man makapagsumbong sa mga pulis ay bumagsak na ang biktima kaya agad na isinugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) pero binawian din ito ng buhay, ayon sa attending physician, sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa kaliwa at kanang kili-kili.

Habang ang naiwang kasama ng biktima ay pinadapa umano ng suspek at tinutukan ng baril.

“Sabi niya (suspek) lang, ‘Mga carnapper kayo.’’ Sabi ko naman, ‘Hindi carnap ‘yan, sir. Kahit tignan niyo pa gamit ko.’ Pinakita ko sa kaniya ‘yung license ko at registration ng motor ko,” ayon pa sa saksi na kasama ng biktima.

At nang magsidatingan na ang mga nagrespondeng mga operatiba ng PS 2 ay nagpakilala ang suspek na isang pulis-Maynila.

Narekober mula sa suspek ang isang Glock 17 na baril, habang nasamsam naman sa crime scene ang isang live ammunition at isang basyo ng bala.

Nasa kustodiya na ng PS 2 ang suspek na pulis-Maynila at isinasailalim na sa imbestigasyon.