‘Trabahong tamad’ at ‘barumbado’ sa BI

August 11, 2022 Paul M. Gutierrez 174 views

PaulBAGO ang lahat, muli tayong nagpapasalamat sa ating mga kamag-anak at mga kaibigan ng aming pamilya na dumalo sa paggunita sa unang taon ng pagpanaw ng aking ama nitong Martes, Agosto 9. Mabuhay tayong lahat!

At nabanggit na rin lang ang aking mga kamag-anak, ipinababatid ko sa inyong lahat na ‘na-hack’ ang Facebook account ng aking pinsan na si Cecille Malinay-Ilao noong nakaraang linggo.

Ang masaklap ang nasabing account ay ginagamit ngayon ng hindi pa kilalang ‘hacker’ sa pangloloko sa ibang tao, katulad ng pagbebenta (kuno) ng Iphone 13 sa bagsak-presyong halaga.

Noong nakaraang linggo, sa tulong na rin ni Pang. Ed Amoroso ng PRO4-A Press Corps, nai-report na niya ang insidente sa Cybercrime Division ng Calabarzon PNP.

Kung bakit naman hanggang ngayon ay ‘active’ pa rin ang nasabing account, Chief PNP Rodolfo Azurin, eh, simple lang ‘di ba? Bukod sa pag-blotter sa insidente, wala na pong ginawang aksyon ang inyong magigiting na tauhan sa Cybercrime Division, hehe, ayy, huhuhu!

Ayon pa sa kuwento ng aking pinsan, Gen. Azurin, “napakarami” na palang ganitong insidente at kuwento pa sa kanya ng mga pulis, “halos araw-araw” ay kaparehong reklamo ang kanilang natatanggap!

Aber, kung totoo ito sa Calabarzon, eh hindi malayong totoo ito sa buong ‘Pinas!

At kung ang gagawin lang naman pala ng Cybercrime ay i-blotter ang bawat insidente, eh, napipiho nating nakabungisngis lang ang mga cyber criminals dahil kampante silang hindi sila mahuhuli, aguy, aguy, aguy!

At kung puwedeng sabihin na “trabahong tamad” ang ganitong estilo sa paresolba ng krimen, DOJ Secretary Boying ‘Bossman’ Remulla at NBI director Medardo de Lemos, eh, mas grabeng trabahong tamad ang alam ng inyong mga operatiba d’yan sa NBI pagdating sa cybercrime, peks man!

Dangan kasi, bago nagpasaklolo sa PNP ang aking pinsan ay una muna siyang lumapit sa NBI.

Aber, ‘very proud’ pa nga tayo sa pag-endorso sa kanya na sa NBI na lang magreklamo dahil alam natin ang kalidad ng trabaho nito.

‘Yun nga lang, Director de Lemos, ang masaklap, sa dakong huli ay wala namang ginawa ang iyong mga tauhan at para wala nang sakit ng ulo, “itinuro” siya sa PNP Calabarzon, talaga rin naman, hehehe, ayy, huhuhu!

At nabanggit na rin lang natin ang ating “bossman” na si SOJ Remulla—na matagal na nating kilala at kaibigan—sino ba, Sec, ang bosing mo ngayon dyan sa Bureau of Immigration (BI)?

Ipapanukala ko lang kasi na baka puwedeng “boldyakin” at disiplinahin ang ilang mga empleyado ng BI na kumukuha ng tapang—kasama na ang tapang ng hiya—sa alak.

Nito kasing gabi ng Miyerkules, Agosto 10, apat na empleyado ng BI ang nagpunta at nag-inom sa NPC Bar and Restaurant.

At ang masaya nilang kuwentuhan, nang sila ay mga lasing na, nauwi sa basag-ulo kung saan may pinalo pa ng bote sa mukha at pinagtataob pa ang mga mesa at silya!

Oh, yes, Bossman Boying, ganyan ang siste ng nasabing grupo na ang ginawa siyempre ay isang malaking kahihiyan at pagdungis sa pangalan ng ‘Bureau of Immigration’ na aminin man o hindi, ay isa sa mga pinaka-korap na ahensiya sa ilalim ng DOJ.

Sa madaling salita, ang nangyari ay isa na namang dagdag na “mantsa” sa dati nang masangsang na reputasyon ng BI.

Sino ba ang mga ‘yan, tanong mo ba, Bossman Boying? Dalawa sa kanila ay lumilingon sa pangalan na, Jason at Jose, ayos!

At kung balak nilang tumanggi, eh, sigurado namang may incident report dyan ang Intramuros PCP sa ilalim ng Station 5 ng MPD.

Abangan!

AUTHOR PROFILE