Booster shots bago ang F2F cases

August 11, 2022 Marlon Purification 118 views

Marlon PurificationMISMONG ang Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. pa ang nanguna sa ‘Pinas-Lakas booster vaccination campaign ‘sa Pasig City Sports Complex sa Pasig City kamakailan.

Ito’y para higit pang mapaigting ang panghihikayat sa ating mga kababayan na magpabakuna, lalot nalalapit ang Face to Face classes sa darating na Agosto 22.

Ayon sa Pangulo, walang ibang pinakaimportanteng panlaban kontra sa coronavirus kundi ang bakuna, boosters, pagsunod sa health protocols at tamang kalinisan sa katawan.

“Wala naman tayong ibang panlaban dito kung hindi ang vaccine. ‘Wag na po nating hintayin na dumami pa ang mga kaso at maging mahirap na naman ang ating pagpunta sa trabaho, ang ating paglabas ng bahay,” anang Pangulo.

Hinikayat nito ang lahat na tulungan ang pamahalaan sa pagkumbinsi sa ilan nating kababayan, kapamilya, kaibigan, kakilala at mga mahal sa buhay na magpabakuna upang mawala na ang pangamba kontra Covid-19.

Matatandaan, ang Pangulong Marcos ay dalawang ulit na nag-positve sa COVID-19 at ang pinakahuli ay nito lamang nakalipas na buwan ng Hulyo.

Kapansin-pansin ang muli na namang pagtaas ng bilang ng mga nagpopostibo nitong mga nakalipas na araw at linggo.

Isinusulat koi to, Huwebes ng umaga,nasa 36,035 ang active cases at kabuuang 3.8 million na ang tinamaan ng sakit ng Covid-19.

Dahil dito, ang Department of Health ay hindi tumitigil sa nationwide booster vaccination campaign.

Aabot na sa 16 million individuals ang nabigyan ng unang booster shots at tinatayang nasa 1.2 million vulnerable population, tulad ng healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised ang nabigyan na ng ikalawang bakuna.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, hindi sila mananawang manawagan sa ating mga kababayan para magpabakuna.

“We are now again proposing to the Office of the President that our fully vaccinated definition be refined, that we will now include the first booster shot,” ani Vergeire.

Sinabi ni Vergeire na masyadong naging kampante ang taumbayan na sapat na ang primary doses o ang first at second dose para sa ganap na proteksiyon kontra COVID.

Bukod sa pagiging kampante, napansin din aniya ng DOH na hindi na inoobliga sa mga opisina at eskuwelahan ang booster shot.

Sa ganang akin, hindi lamang dapat national government ang maging abala sa paghihikayat para sa mga booster shots. Dapat, mismong mga Local Government Units (LGU) ay hindi rin dapat tumigil na manghikayat sa ating mga kababayan.

Kung kinakailangan ibalik ang paghihikayat na pinamumunuan ng mga barangay o ilang homeowners association ay gawin ito dahil alam natin na malaking implikasyon, hindi lamang sa ekonomya ng bansa, kundi sa ating mga sarili mismo kung muli na namang tumaas nang husto ang bilang ng mga napopositibo.

Sana ay makipagtulungan tayo sa ating pamahalaan.