Isko

‘Trabaho, Trabaho, Trabaho’ job fair isasagawa sa Maynila

June 11, 2022 Edd Reyes 102 views

IPINAHAYAG ni outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang muling pagkakaroon ng programang “Trabaho, Trabaho, Trabaho” na nakatakdang ganapin sa Lunes, Hunyo 13, sa gusali ng Park N Ride sa Ermita, Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang lingguhang programang “The Capital Report” hapon ng araw ng Biyernes, sinabi ng alkalde na pangarap talaga niyang magkaroon ang lahat ng disenteng hanapbuhay lalo na’t nailatag na niya ang mga programang libreng pag-aaral, bahay at libreng ospital.

“Pangarap ko talaga makapag-hanapbuhay kayo, sagot ko eskuwela, sagot ko baon, sagot ko bahay, sagot ko ospital, ngayon me trabaho kayo, at least mayroon kayong mapaghaharimonan,” pahayag ng alkalde sa kanyang pag-uulat.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng alkalde na 400 na mga aplikante ang kaagad natanggap at naging karagdagan para sa kabuuang 2,018 aplikanteng mga lumahok sa mga nakaraang job fair at nagkaroon ng trabaho.

Dahil dito’y nagpa-abot ng kanyang pasasalamat si Mayor Isko kay Public Employment Service Office (PESO) Director Fernan Bermejo at sa kanyang mga tauhan sa matiyagang pagsasagawa ng pagdaraos ng programa para sa mga taga-Lungsod ng Maynila na naghahanap ng trabaho.

Pinasalamatan din ng alkalde ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ginawang pagkilala sa papel ng PESO, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa pagsasaayos at pagtutuwid sa mga mamamayan ng lungsod na naghahanap ng trabaho.

“Halina kayo, kami po ang magiging tulay ninyo sa mga taong naghahanap ng empleyado at mga taong naghahanap ng empleyo o trabaho, tuloy-tuloy po yan, Sa ating mga batang Maynila na nabigyan ng trabaho sa pribadong sektor, congratulation sa inyong lahat,” sabi pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE