Timawang honorable!

March 21, 2022 Allan L. Encarnacion 283 views

Allan EncarnacionPumasok na ang Ombudsman sa imbestigasyon ng umano’y Tupad scam sa Quezon City.

Noong una, ang NBI ang nag-imbestiga sa kalakaran ng Tupad na cash for work ng national government na ang lead agency ay ang Department of Labor and Employment o DOLE.

Isa ito sa pinakamagandang programa ng Duterte administration na naging life saver ng marami nating kababayang jobless at hopeless, lalo na sa gitna ng pandemic.

Ang sistema nito, kukuha ng mga community workers ang local government sa tulong ng mga barangay. Ang gagawin nila ay maglilinis sa komunidad, mag-aalis ng mga bara ng kanal at gawing maayos ang paligid nila.

Ang bawat isa ay sasahod ng P12,000 to P14,000 sa loob ng isang buwan na parang minimum wage earner din pero may mga team leader ito at mga inspectors para sa accomplishment reports na requirement sa pasahod.

Bukod sa LGU, mayroon ding mga kongresista nagkakaroon ng allocation dito pero hindi cash na ibinibigay sa kanila ng DOLE. Halimbawa, si Congressman Y or Congresswoman X ay bibigyan ng P20M worth ng Tupad para sa tatlong buwan. Siya ang bahala sa recruitment ng mga tao sa komunidad.

Ang pasahod ay sa pamamagitan ng remittance o kukunin sa mga payment center na itinakda ng DOLE. Ganito nga ang ginawa para walang kamay ng pulitiko ang hahawak sa pera.

Ang problema, sa Quezon City, naisipan idaan ang sistema sa payroll. Halimbawa, si Congressman X at Congresswoman Y ay kumuha ng mga tao. Ang iba sa kinuha nila ay hiningian lang ng bio-data tapos pinapirma ng Daily Time Record kapalit ng P2,000 monthly.

Sino naman ang tatanggi, pipirma ka lang buwan-buwan, may P2K ka na! Ibig sabihin, iyong monthly salary na P12K to P14K, napunta sa ibang kamay ang 90% ng pera o P10Kto P12K.

May iba namang na-recruit na totoong nagtrabaho, ibang sistema na ang ginawa ng mga sangkot sa scam. Sa mismong araw ng pagkubra ng suweldo sa payment centers, nakaabang naman sa gate ang staff ng pulitiko para kunin ang kalahati o P7K. Ibig sabihin, mahiyain pa si Congresswoman at Congressman. Kalahati kasi 50% lang ang kinuha niya.

Tindi di ba? Kaya nga nagdesisyon si Labor Secretary Bebot Bello na na itigil ang karagdagang P59 million Tupad program sa QC dahil sa pagkakabunyag ng umano’y eskandalong ito.

Ang tanong, bakit masyadong nagtatagal ang imbestigasyon gayong may mga mahigit isang libong Tupad workers sa QC ang lumutang na para magreklamo?

Ang hindi ko rin maintindihan, paanong nasisikmura ng mga sangkot sa scam na ito na agawan pa ng pagkain ang mga kababayan nating mahihirap?

Alam nyo ba kung saan nakatira ang mga sangkot sa Tupad scam na ito? Doon sa mga exclusive at gated subdivision samantalang iyong mga workers na ninanakawan nila ng suweldo ay sa slums area nakatira. Sila na iyong magnanakaw, sila pa ang naglalagay ng honorable name plate sa kanilang mga office table.

Sa totoo lang, gusto nating may makulong sa Tupad anomaly na ito. Hindi tayo maniniwala na kaya itong gawin ng isang karaniwang empleyado kung walang utos ang kanyang amo.

Mga timawa rin ang ibang honorable, hindi nyo lang alam!

allanpunglo@gmail.com