Default Thumbnail

Teves tiwala pa rin kay PBBM

April 22, 2023 Edd Reyes 154 views

Hinikayat na punahin ang ‘maling’ impormasyon

HINDI nawawala ang tiwala ng suspendidong Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) upang ipanawagan na punahin ang aniya ay hindi “patas” at “maling” impormasyong ipinararating sa Punong Ehekutibo.

“Hindi pa rin ako naggi-give up na manawagan sa kanya, magalit man siya sa akin o ano, tao lang naman ako, kanino ba ko mananawagan kundi sa ating Presidente,” pahayag ni Teves sa pamamagitan ng virtual attendance sa isinagawang pulong-balitaan na inorganisa ng binuong “Tanggol Teves” sa pangunguna ni Atty. Ferdinand Topacio.

Sinabi ng kongresista na hindi tamang bigyan umano ng “maling impormasyon” ang Pangulo ng kanyang mga tauhan para lamang idiin siya sa kaso kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Nanawagan din siya sa Senado na maglabas ng patas na committee report sa kanilang isinasagawang imbestigasyon at huwag ibilang ang mga hearsay. “Yung mga may ebidensiya lang dapat at sana, ipatawag din yung ilang resource person gaya ng taong nagpunit sa logbook at yung nagpaayos ng sasakyan nang marinig din ang kanilang panig,” dagdag pa ni Teves na tumutukoy sa isa sa mga lumutang na testigo laban naman sa pamilya Degamo.

Muling binanggit ni Teves ang pagnanais niyang makabalik na ng bansa bagama’t sa tindi aniya ng panganib sa kanyang buhay ay hindi niya magawang makauwi, lalo na’t kung ano-ano na ang ibinibintang sa kanya, kabilang ang pag-aakusa sa kanya bilang “terorista.”

Sabi naman ni Atty. Topacio, ang isang krimen na may katapat na parusa sa ilalim ng Anti-Terror Law (ATL) ay dapat na may kaugnayan sa malawakang “pananakot at paninindak” sa taumbayan na hindi naman ginagawa ni Teves na aniya ay wala pa rin naman kinakaharap na kaso.

Binatikos naman ni Atty. Toby Diokno, ang aniya ay pahayag ng Department of Justice (DOJ) na “99.99%” na sarado na ang kaso at may matibay ng ebidensiya sa mga sangkot sa pagpatay kay Gov. Degamo subalit bakit aniya patuloy pa ring nangangalap na ebidensiya ang mga awtoridad.

“Kung talagang (case closed) na, bakit wala pang complaint na naisasampa laban kay Cong. Teves? Ang inaano nila yung mga maliliit na tao hoping na ma-pressure ang mga ito na kumanta sa tono na gusto nilang pakantahin,” sabi pa ni Atty. Diokno.

AUTHOR PROFILE