Fish

Tawilis fishing sa Taal bawal sa Marso, Abril

March 5, 2024 Cory Martinez 68 views

BAWAL manghuli ng tawilis simula Marso 1 hanggang Abril 30 sa Taal lake para pangalagaan ang breeding population ng isda sa panahon ng pangingitlog, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ipinapatupad ang closed fishing season sa ilalim ng Resolution Bilang 49 (s. 2018) at 63 (s. 2019). Kamasa sa bawal ang pagbebenta ng naturang isda.

Unang ipinatupad ang closed fishing season sa lawa noong 2019 matapos malaman sa research na Marso hanggang Abril ang kasagsagan ng pangingitlog ng mga tawilis.

Isinagawa ng DA-National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI) ang naturang research. Layuning ng closed fishing season na protektahan ang breeding population ng tawilis sa panahon ng pangingitlog at upang mapataas ang antas ng kanilang pagpaparami.

Samantala, upang mapalakas ang pagpapatupad ng closed fishing season ng tawilis, nagsagawa ng pagpa-patrol ang DA-NFRDI sa lawa para tiyakin na sumusunod ang mga mangingisda sa lugar.

Kasamang naglibot sa mga coastal municipalities ang Department of Environment and Natural Resources-Taal Volcano Protected Landscape-Protected Area Management Office (DENR-TVPL-PAMO); Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 4A; Philippine National Police (PNP)-Maritime Group; Kilusan ng Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal (KMMLT); Municipal Fisheries and Aquatic Resource and Management Council (MFARMC) sa Mataas na kahoy at iba’t-ibang kinatawan mula sa mga local government units (LGUs) na nakapalibot sa Lake Taal.

Makikita lamang ang tawilis, ang natatanging freshwater sardine sa buong mundo, sa Lake Taal sa Batangas.

Noong 2018, idineklara ito ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) bilang endangered species.

AUTHOR PROFILE