Default Thumbnail

Tama ang pagtakbo ni Eleazar sa Senado

February 4, 2022 Paul M. Gutierrez 353 views

PaulPAPALAPIT na ang eleksiyon ngayong Mayo at itong buwan ng Pebrero ay magsisimula na ang kampanya para sa national positions kabilang ang presidente, bise-presidente, senador at partylists.

Tulad ng mga nakaraang eleksiyon alam nating magiging mainit ang mga kampanya lalo na ngayon na nangunguna sa mga survey si Bongbong Marcos.

Alam natin na marami ang nais na siya ay ma-disqualify pero mukhang mabibigo ang mga hakbang na ito ng kaniyang mga kalaban.

Pero ang mas ikinakabahala natin mga kababayan ay ang kredibilidad ng darating na eleksiyon. Ipinahayag ni dating PNP Chief Guillermo Eleazar na dapat tiyakin ng Commission on Elections (Comelec) ang kredibilidad ng eleksiyon matapos mapag-alaman na may seryosong problema umano ang sistema ng automated elections.

Naku naman Comelec. Naka ilang eleksiyon na ba ang Smartmatic at hanggang ngayon ay nagiging usapin pa rin ang kredibilidad nito?

Matatandaan nang makompromiso ang vital information ng mga botante noong 2016 nang ma-hack ang sistema ng Comelec na tinawag na “Comeleak”.

Nitong 2019, halos magkandabulol-bulol na ang Comelec sa pagpapaliwanag sa naging kontrobersiyal na 7-hour glitch na walang pumapasok na update sa kanilang sistema.

Sa totoo lamang mga kababayan, hindi naging malinaw ang naging paliwanag dito ng Comelec na lalong nagbibigay duda sa kredibilidad ng eleksiyon. Kaya lalong nakapag-iingay ang mga kalaban ng administrasyon.

Pero imbes na sabunin lamang nang sabunin ni Eleazar ang Comelec sa problemang ito, naghain siya nang maaaring gawin gaya ng pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno para ito maresolba. Ibig sabihin, may problema, dapat may solusyon.

Ganyan natin hinahangaan si Eleazar. Alam naman ng marami na siya ay malapit nating kaibigan at nakakasama sa maraming mga okasyon kaya kilalang-kilala natin ang kaniyang kalibre, integridad at pagkatao.

Kaya naman ikinatuwa talaga natin ang kaniyang desisyong tumakbo sa pagka-senador dahil alam nating man of action talaga itong ating kaibigan.

Marami nang mga senador ang paulit-ulit na nasa Senado pero alam natin na walang nagawa upang solusyunan ang ating mga problema.

Subok na natin at nakita mismo ng publiko ang performance ni Eleazar noong siya ay nasa serbisyo bilang pulis at PNP Chief.

Alam nating hindi politika ang nasa likod ng kaniyang mga ginagawa; totoo kasing alam niya ang mga dapat gawin upang maresolba ang ano mang problema at solusyunan ang mga ito nang walang takot.

At dahil palaging nasa panig ng wasto, hindi naging kontrobersyal, bagkus, umani pa ng suporta, ang kaniyang ginawa sa mga tiwaling mga pulis na wala namang ginawa kundi dungisan ang kanilang mga uniporme.

Nakita natin ang panunumbalik sa tiwala ng publiko sa mga pulis sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.

Sa dami ng kontrobersya na mayroon sa bansa natin, sa dami ng mga hearing sa Senado na wala halos nagiging laman at nagiging aksyon, natitiyak natin na kapag si Eleazar ang naupo, mabilis na aksyon na walang patumpik-tumpik ang magiging resulta.

Kung titingnan lamang ng mga kababayan natin nang mabuti ang track record ng mga kumakandidato sa pagka-senador, walang kaduda-duda si Eleazar na kuwalipikado para sa posisyon.

At natutuwa naman tayo na sa pinakahuling survey ng Manila Bulletin, kasama na si Gen. Guillor sa ‘Magic 12’ kasehodang higit 50 silang nag-aambisyon na mahalal sa Senado.

Natutuwa tayo pero, hindi na tayo nagtataka na kung bakit sa maikling panahon, sapul nang maghain ng kanyang kandidatura noon lang Nobyembre, “gusto” ng mga Pinoy na makita siyang nakaupo sa Senado.

Kung mabibigyan lang kasi ng matalinong pagtingin ang mga botante sa bawat kandidato, walang duda na maisasali nila sa bilang ng kanilang mga iboboto si Eleazar.

Maaaring wala siyang makinarya tulad ng mga tradisyunal na politiko para sa kampanya.

Pero naniniwala tayo na ang matibay na panlaban ni Eleazar para maluklok sa puwesto ay ang kaniya mismong sarili.

Ang kaniyang malinis at mahusay na record bilang matapat at propesyunal na lingkod-bayan.

AUTHOR PROFILE