Default Thumbnail

Tagisan ng diborsiyo

December 6, 2023 Allan L. Encarnacion 202 views

Allan EncarnacionMahigpit ang labanan ng pabor at hindi pabor sa diborisyo dito sa ating bansa. Ang score: 51% di pabor, 41% ang pobor sabi ng Octa research.

Ibig sabihin, masyado nang dikit ang laban kung ang pag-uusapan ay ang pagtanggap ng mga Pinoy sa divorce. Kung ikukumpara sa mga nagdaang surveys, lalo na noong mga nakaraang tatlong dekada, malayong-malayo ang pabor kontra sa di pabor.

Malapit na itong magtabla or baka nga malapit nang magwagi ang pangkat ng mga gusto ng diborsiyo.

Mayroon namang legal separation or annulment of marriage dito sa atin kaya lang, masyadong mahal at matagal ang proseso. Nasa 100k hanggang 250k ang kailangan para sa legal process ng annulment of marriage.

Kapag tiningnan mo ang laman ng panukalang divorce sa Kongreso, malalaman mong may sustansiya naman. Una, dapat matagal nang hiwalay ang mag-asawa, parang five years ang average, pangalawa, iyong wala na talagang pag-asang magkasundo.

Ang essence lang naman talaga ng divorce ay malusaw ang kasal at magkaroon ng legal na karapatan ang magkabilang partido na maikasal ulit—siyempre sa iba.

Sa isang banda, kapirasong papel lang naman ang certificate of marriage. Iyong paghihiwalay ng mag-asawa dahil ayaw na nila sa isa’t isa, palagi namang nangyayari iyon. Kapag ayawan na, e di ayawan na!

Kaya lang, naroon palagi ang mga anak na palaging biktima. Pero ang importante naman, kahit naghihiwalay ay naroon ang respeto sa isa’t isa. Kung matagal naman nang hiwalay, bakit kailangan pang mag-divorce, lalo na’t mayroon naman nang kinakasama ang magkahiwalay na dating mag-asawa?

Sabi nga, maraming naghahanap at umaasa sa ikalawang gloria! Ang tanong, paano kung sa second marriage mo ay mas masahol pa pala sa impiyerno ng una? Diborsiyo ulit? Magapakasal ka ulit?

Wala naman talagang perpektong pagsasama, palaging naroon ang posibilidad ng problema.

Ang importante talaga sa pag-aasawa ay huwag nagmamadali, huwag puro init ng katawan ang nasa unang listahan. Ang natural na ugali ng lalaki man o babae ay lumilitaw yan sa katagalan ng relasyon—meaning sa pagiging magnobyo’t nobya pa lang ay makikita na ang naturalesa.

Pero kahit kitang-kita na ang masamang ugali, optimistiko pa rin sa bandang huli. Madalas kasi, naroon ang pag-asang magbabago rin siya or baka naman iba na ang kapag magkasama na iisang bubong.

Tsaka mo na lang mararamdaman sa bandang huli kapag kasal na kayo na iba pala siya noong mag-jowa pa lang kayo! Mas naging masahol pa ang ugali nang ikasal na. Ang hirap din di ba?

Sabi nga ng matatanda sa una, ang pag-aasawa ay hindi parang kaning mainit na isinubo at kapag ikaw ay napaso, basta mo na lang iluluwa.

Mabuhay at good luck sa mga gusto magpakasal.

***

Dito naman sa atin, nagsimula na naman ang terorismo sa Mindanao.

Ang bombing sa misa sa MSU gym ay nagdudulot ng pangamba sa marami nating kababayan hindi lamang sa Mindanao bagkus ay maging sa iba pang parte ng bansa.

Umaasa tayo sa AFP at PNP na kontrolado nila ang sitwasyon para hindi maalarma ang ating mga kababayan ngayong Holiday season.

Bagama’t sa Mindanao lang ang full alert, dapat ding maging alerto ang Metro Manila forces dahil kahit saang panig ng NCR ngayon ay maraming tao, lalo na sa mga malls, mga park, terminals at iba pang lugar na umpukan ng mga tao.

Hindi na dapat masundan ang Mindanao bombing.

[email protected]