Default Thumbnail

Suspek sa pagpatay sa 82-anyos na biyuda, huli

April 21, 2023 Melnie Ragasa-limena 225 views

NAARESTO ng pulisya ang isa sa tatlong suspek na tinuturong pumatay sa 82-anyos na biyuda sa Barangay Gulod noong Martes.

Ayon sa pulisya, positibong itinuro ng testigo ang suspek na 32 taong gulang na lalaki na isa sa mga sangkot sa pagkamatay ni Nenita Tan.

Ang suspek ay naaresto ng mga operatiba ng Novaliches Police Station 4 sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Novaliches Proper bandang 3:30 ng hapon nitong Huwebes.

Matatandaan na natagpuang duguan at wala ng buhay ang biktima sa loob ng kaniyang tahanan sa Bgy. Gulod.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa ulo at katawan matapos umanong pukpukin ng bato.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung my kinalaman sa pagnanakaw ang motibo sa krimen.

Ayon sa pulisya hindi ito ang unang beses na nasangkot sa krimen ang suspek. May standing warrant of arrest umano ang nadakip na suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 7610, or the Anti-Child Abuse Law mula sa Quezon City court na may piyansang P200,000.

Patuloy ang manhunt operation sa dalawa pang suspek na kasama ng naarestong suspek.