Default Thumbnail

‘Salisi’ sapul sa CCTV sa Malate

April 21, 2023 Jonjon Reyes 320 views

DAHIL sa mga kuha ng CCTV sa barangay, sapul ang isang 19-anyos na huli sa akto sa pagtangay nito ng isang cellphone, umaga ng Huwebes sa San Andres Street, Malate, Maynila.

Ang binatilyong suspek na itinago sa alyas na “Arvin” ay tambay, at nakatira sa Barangay 105 sa Malate.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station (PS) 9, namukhaan ang suspek na siyang tumangay umano sa sling bag ng biktima, 51-anyos, isang system analyst sa nasabing lugar.

Bandang 2:00 ng madaling araw nitong Huwebes nang magtungo ang biktima sa Barangay 705 para magsumbong sa pagtangay sa kanyang gamit.

Sa salaysay ng biktima, nakaligtaan niya ang kanyang sling bag matapos iparada ang kanyang motorsiklo sa naturang lugar at pauwi sa kanilang tahanan.

Matapos nito, binalikan niya ang kanyang motorsiklo at nakita pa ang sling bag subalit wala na ang kanyang Samsung S9 cellphone na may halagang P42,000.

Agad itong nagtungo sa barangay hall para humingi ng tulong at doon nga nakita ang suspek sa kuha ng CCTV na hinahalungkat ang sling bag ng biktima saka umalis.

Nagkataong ka-barangay ng biktima ang suspek at umaga ng Huwebes nang magtungo ang mga opisyal ng barangay sa tahanan nito at nakita ang cellphone ng biktima.

Hindi na umano nakapalag ang suspek matapos arestuhin at i-blotter sa barangay bago i-turnover sa opisina ni Tangdol para sampahan ng kasong “theft” ayon kay Chief Master Sargent German Garino, may hawak ng kaso.

AUTHOR PROFILE