Martin

Speaker Romualdez: Presyo ng sibuyas, dapat hanggang P120 lang kada kilo

August 13, 2023 People's Tonight 296 views

BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na dapat ay hanggang P120 lang ang presyo kada kilo ng sibuyas sa merkado dahil mura lamang itong nabibili ng mga negosyante mula sa mga onion growers.

Ang pahayag ay ginawa ni Speaker Romualdez sa isang panayam kamakailan matapos na makarating sa kanya ang impormasyon na sumisikad na naman ang presyo ng naturang panangkap sa mga pamilihan.

“Dapat hindi lalagpas ng P120 ang kilo ng sibuyas sa merkado,” ani Speaker Romualdez.

Paliwanag pa ng mambabatas, “mura ang kuha ng mga traders sa mga onion growers natin at mura din ang bili ng mga importers ng sibuyas sa labas ng bansa.”

“Sa aming computation, dapat hindi na lalagpas sa P120 per kilo ang presyo ng sibuyas pagdating sa palengke dahil ang wholesale o puhunan ng mga traders diyan ay P90 a kilo, kasama na riyan ang transport cost at kita nila,” aniya.

Ayon pa sa lider ng Kamara, “may nagtatago na naman ng stock ng sibuyas kaya nagmamahal ito ngayon.”

Nabatid na sa ngayon, naglalaro ang presyo ng sibuyas sa P160 hanggang P190 ang kilo sa merkado.

“Wag na nila (hoarders) antayin na pasukin natin ang mga bodega o cold storage nila at kasuhan sila ng economic sabotage,” babala pa ni Romualdez.

Pinagsabihan din ng mambabatas ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na “trabaho ninyo itong magbantay ng presyo di ba? Gawin ninyo!!!”.

AUTHOR PROFILE