Default Thumbnail

Smuggling ‘susugpuin’ ng bagong PPA monitoring policy

May 31, 2022 Jonjon Reyes 281 views

TALIWAS sa alegasyon ng ilang grupo na ang magiging epekto ng container “monitoring policy” na ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ay makakadagdag gastos at abala sa paggalaw ng mga container.

Ito ang inihayag ni Eugenio Ynion, president at CEO ng Cebu City-based Nextix, Inc./Shiptek Solutions Corp. joint venture (JV), kasunod ng apela ng iba’t-ibang grupo sa PPA na ipawalang-bisa ang Administrative Order o AO No. 04-2021 na ayon kay PPA Administrator Jay Santiago ay nagtatakda ng mga polisiya sa pagpaparehistro at pagmo-monitor ng mga container sa pamamagitan ng isang “technology solution”.

Matatandaang iginawad sa JV ang P877.600 milyong halaga ng kontrata para sa “Trusted Operator Program-Container Registry Monitoring System” o TOP-CRMS kabilang ang “empty container storage shared service facility design specifications and implementation project”.

Sa pamamagitan ng AO ni Santiago, mamo-monitor na ang scheduling, loading, unloading, release, at movement ng mga container, maliban sa pagkakaroon ng container identification, accountability, at protection program, alinsunod na rin sa international standards.

Dahil dito, iginiit ni Ynion na “malabong” magkaroon ng redundancy o duplikasyon sa trabaho dahil iba ang mandato ng Bureau of Customs o BOC sa PPA.

Ayon kay Ynion, hindi lalabagin ng polisiya ang “Ease of Doing Business Act” at National Competition Policy lalo pa’t ang layunin nito ay magkaroon ng pagbabago mula sa manual patungong automation.

Giit ni Ynion, matatanggal din ang P15,000 hanggang P30,000 na container deposits dulot ng nasabing proyekto.

Bukod pa rito, sa pamamagitan ng bagong sistema ay mapapabilis pa ang usad ng mga container sa mga pantalan kaya’t pabor ito sa lahat.

Malinaw aniya na magbubukas din ito ng transparency at accountability sa kanilang hanay na kinatatakutan ng ilang sektor na maaaring tamaan dito.

AUTHOR PROFILE