MPD

Negosyante patay sa kasosyo

May 31, 2022 Jonjon Reyes 324 views

DEAD on arrival sa Tondo General Hospital ang isang 43-anyos na negosyante, makaraang barilin ng kanyang kasosyo sa Tondo, Maynila, hapon nitong Lunes.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, ang biktima ay lalaki, balo, ng Vitas St. sa Tondo at naninirahan sa Building 5 Deca Homes condominium sa Vitas, Tondo.

Base sa ulat na isinumiti ni Det. Christian Joseph Pineda kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section, bandang 4:25 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa isang bodega sa Callejon D sa panulukan ng Earnshaw St. sa Gagalangin, Tondo.

Depensa umano ng suspek, “ginugulangan” siya ng biktima sa kanilang negosyong bigas at asin.

Bago ang pamamaril, kinompronta umano ng suspek ang biktima saka binaril sa dibdib gamit ang kalibre 38 na Smith and Wesson.

Matapos ang pamamaril, umuwi sa kanilang bahay ang suspek at nang magresponde ang mga tauhan ng Homicide Section sa pangunguna ni Lt. Aguila, nakiusap ang ama ng suspek, na tuluyang sumuko rin sa mga awtoridad.

AUTHOR PROFILE