Sitcom nina John Lloyd at Andrea tuloy na

June 15, 2021 Aster Amoyo 187 views

MATUTULOY na ang pagkakaroon ng weekly sitcom ng dating ABS-CBN prized actor na si John Lloyd Cruz sa GMA7.

May lumulutang na balita na nag-pitch umano ang game show TV host-producer ng “Wowowin” na si Willie Revillame sa pamunuan ng GMA ng isang TV sitcom project for John Lloyd kung saan umano makakasama ng actor ang Kapuso resident actress na si Andrea Torres. Although wala pang kumpirmasyon tungkol dito, unti-unti nang lumilinaw ang nasabing balita matapos makitang magkausap sina JLC at ang big boss ng GMA Pictures at programming consultant to GMA’s chairman (Atty. Felipe Gozon) na si Annette Gozon-Valdes.

Kung totoong magtatambal sa isang TV sitcom sina JLC at Andrea tiyak na ito’y pag-uusapan dahil parehong nagkaroon ng connection ang dalawa sa engaged couple na ngayon na sina Derek Ramsay at Ellen Adarna. Alam ng marami na si Derek ang huling naging kasintahan ni Andrea habang si Ellen naman ang last girlfriend ni JLC at ina ng kanyang anak na si Elias Modesto who’s celebrating his 3rd birthday on June 27. Pero mauuna muna ang 38th birthday ni John Lloyd on June 24.

Samantala, matagal na ring lumulutang ang reunion movie nina JLC at Bea Alonzo sa bakuran ng Star Cinema, ang “No Goodbyes” na nakatakdang idirek (sana) ng box office director na si Cathy Garcia-Molina.

Viva panalo sa kaso laban kay Nadine

IT was in December 2020 nang maghain ng reklamo ang Viva Artists Agency (VAA), ang talent management arm ng Viva Communications, Inc. laban sa kanilang contract star na si Nadine Lustre (27) dahil sa paglabag nito sa kanyang management contract with the said company.

Naunang naglabas ang kampo ni Nadine ng statement sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan na kumakalas na ito sa kanyang kontrata sa Viva. Buwan din ang binilang bago nagsampa ng kaso ang VAA laban kay Nadine. Six months later nung Monday, June 14 ay naglabas ng desisyon ang Quezon City Trial Court at nag-issue ng Cease and Desist Order sa singer-actress at celebrity endorser na igalang nito ang kanyang kontrata sa Viva. Dahil dito, walang choice si Nadine kundi ang makipag-ayos sa kumpanyang `gumawa’ sa kanya at marating ang estado niya ngayon.

May karapatan ang Viva na harangin ang lahat ng mga proyektong dumiretso sa singer-actress nang walang alam at basbas ang kumpanya.

Magda-dalawang taon na ring nakatengga ang career ni Nadine magmula nang naisin niyang kumalas sa Viva.

Misis ni Patrick baby boy ang ipinagbubuntis

BABY boy ang ipinagbubuntis ngayon ng vlogger na si Nikka Martinez, wife ng actor na si Patrick Garcia. Ang tatlo nilang naunang mga anak ay pawang babae, kaya ngayon lamang sila magkakaroon ng anak na lalake na may naghihintay nang pangalan, Enrique Pablo Martinez Garcia.

Si Patrick ay may anak sa Kapuso singer-actress na si Jennylyn Mercado, si Patrick Jazz Mercado now 12 years old.

Pokwang malaki ang utang na loob kay Eric

UNKNOWN to many, malaki ang naging papel ng singer-songwriter, actor-comedian, animator, painter and soon to be vlogger na si Eric Nicolas (50) sa pagpasok sa showbiz ng actress-comedienne na si Pokwang (Marietta Subong).

Eric Nicolas

Sina Eric at Pokwang ay dating magkasama sa isang comedy bar bago nila pareho napasok ang showbiz.

Si Eric ang nag-recommend kay Pokwang sa comedy bar na dati niyang pinagta-trabahuhan maging sa pagsali nito sa “Clown in A Million” talent search ng ABS-CBN kung saan tinanghal na winner ang komedyana . Ito ang naging daan ni Pokwang na makapasok ng showbiz matapos siyang i-sign-up ng Star Magic ng ABS-CBN.

Ang ABS-CBN ang naging tahanan ni Pokwang sa loob ng 16 na taon hanggang sa mawalan ng prangkisa ang TV network nung May 2020 bago ito lumagda ng kontrata sa APT Entertainment na nagbigay sa kanya ng dalawang programa sa TV5.

Si Eric naman ay nananatiling Kapamilya up to this day na ang most recent assignment niya ay ang “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan siya napabilang sa loob ng mahigit isang taon.

Thankful din si Eric na kahit sa gitna ng pandemya ay hindi siya nawawalan ng trabaho kaya patuloy din siyang nakakatulong sa iba.

Eric has been married to Ethel Nicolas for almost 17 years now pero hindi sila nabiyayaan ng anak.

Si Eric na laki sa kanyang lola ay great grandson ng National Artist na si Vicente Manansala kung kanino niya minana ang kanyang talent bilang pintor. Animator siya ng mga Japanese character tulad ng “Slam Dunk,” “Sailor Moon,” “Dragon Ball Z” at iba pa.

Eric credits Willie Revillame na siyang tumulong sa kanyang pagpasok sa showbiz nang kunin siyang jester (sa audience) ng dati nitong noontime program sa ABS-CBN, ang “Wowowee” hanggang maging bahagi siya ng programa as segment host ng “Hep Hep Hurray” na siya rin mismo ang nag-create.

Although hindi nanalo si Eric nang siya’y sumali sa “Clown In A Million” talent search, tumatak siya nang husto nang siya’y maging isa sa mga participant ng “Your Face Sounds Familiar” Season 2 at siya ang unang weekly winner ng nasabing show nang kanyang gayahin si Willie Revillame.

Subscribe, like, share and press the bell button of “TicTalk with Aster Amoyo” on my YouTube channel and follow me on Instagram and Facebook@asteramoyo and Twitter@aster_amoyo.

AUTHOR PROFILE