Aprub Tinatanggap ni Malolos City Prosecutor Aldrin Evangelista ang case folder sa pagpaslang noong 2019 kay Kidapawan broadcaster Eduardo ‘Ed’ Dizon, mula kay PTFoMS Executive Director Paul M. Gutierrez at DOJ Assistant Secretary Jose Dominic ‘Mico’ Clavano matapos siyang maitalaga upang pamunuan ang ‘SIT Dizon’ sa kanilang pagpupulong sa DOJ, Abril 15, 2024.

‘SIT’ sa pagpatay sa Kidapawan broadcaster aprub sa DOJ

April 18, 2024 People's Tonight 66 views

INAPRUBAHAN ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagbuo ng ‘Special Investigation Team’ (SIT) upang tutukan at palakasin pa ang kasong murder laban sa mga suspek sa pagpatay noong 2019 kay Kidapawan City broadcaster, Eduardo “Ed” Dizon.

Sa direktiba ni Remulla, inatasan si Malolos City Prosecutor Aldrin Evangelista upang pamunuan ang ‘SIT Dizon’ kasama ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Si Evangelista ang isa sa mga DOJ prosecutors sa matagumpay na prosekusyon ng mga kaso laban sa mga suspek sa ‘2009 Ampatuan Massacre.’

Agad namang pinasalamatan ni PTFoMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez ang desisyon ni Remulla na siya ring PTFoMS chairperson batay sa itinatakda ng Administrative Order (AO) No. 1, na siyang lumikha sa task force.

“After careful consideration and as Chairperson of the PTFoMS, I hereby approve the immediate creation of an AO1 SIT ED DIZON,” ayon sa memorandum na ipinadala ni Remulla kay Gutierrez na may petsang Abril 15, 2024.

Ani Remulla, ang pagbuo ng SIT Dizon ay bahagi pangako ng gobyerno na matiyak na mabigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng karahasan at maipatupad ang batas.

Ayon pasa direktiba, binigyan ng kapangyarihan si Evangelista na magtalaga ng iba pang mga miyembro ng SIT Dizon galing sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno na kabilang sa PTFoMS matapos konsultahin si Gutierrez.

Inatasan din ni Remulla ang SIT Dizon at ang PTFoMS na regular na magsumite sa kanyang opisina hinggil sa itinatakbo ng kaso. Ayon pa sa kalihim, may 30 araw ang SIT upang tapusin ang trabaho nito at magsumite ng pormal na ulat at rekomendasyon upan mapalakas pa ang kaso.

Sa ginanap na pagdinig ng korte ngayong araw sa Davao City, inihayag ng prosekusyon ang pagpasok ni Evangelista bilang head ng SIT Dizon. Pormal namang haharap si Evangelista sa korte bilang kinatawan ng prosekusyon sa susunod na pagdinig sa Abril 25.

Ani Gutierrez, hiniling niya kay Sec. Remulla ang pagbuo ng SIT Dizon matapos makarating ang impormasyon na nabigyan ng piyansa ng korte at nitong Marso 8 ay napawalang-sala ang isa sa mga suspek.

Dagdag pa ni Gutierrez ang pagbuo ng SIT Dizon ay isa sa mga mahahalagang hakbang na ginagawa ng PTFoMS upang mapalakas ang kaso laban sa mga suspek at mabigyan ng hustisya ang pamilya Dizon.

“Subalit nananatiling simple at malinaw ang ating mensahe: Pagbabayaran ng lahat ng gumagawa ng karahasan laban sa midya ang kanilang krimen. Maaring matagalan subalit sa dakong huli, katarungan pa rin ang magtatagumpay.”

Matatandaang binaril at napatay si Dizon noong Hulyo 10, 2019 ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo. Nagtamo si Dizon ng limang tama sa katawan agad niyang ikinamatay.

AUTHOR PROFILE