Default Thumbnail

Sikyu pinagtanggol misis na tinawag na parausan; sinaksak

April 23, 2023 Edd Reyes 238 views

SUGATAN ang isang security guard nang pagsasaksakin ng lalaking kalugar na kokomprontahin sana niya dahil sa ginagawa umanong paninirang puri sa kanyang asawa Sabado ng gabi sa Malabon City.

Kaagad isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Regie Artuz, 34, residente ng No. 4 Phase 3, Flovi Homes, Brgy. Tonsuya, matapos magtamo ng dalawang tama ng saksak sa likod at hiwa sa kaliwang braso habang nadakip naman sa follow-up operation na isinagawa nina P/Cpl. Jeffrey Retuta at Pat. Marc Roldan Rodriguez ng Malabon Police Sub-Station 5 ang suspek na si Mell Andres Sion, 23, walang hanapbuhay at residente ng No. 23, Phase 3 Flovi Homes.

Batay sa pagsisiyasat nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, ng Malabon Police Station Investigation Section, kadarating lang sa kanilang bahay ng biktima galing sa trabaho dakong alas-8:20 p.m. nang magsumbong sa kanya ang asawa hinggil sa umano’y ginagawang paninirang puri laban sa kanya ng suspek.

Sinabi ng ginang sa asawa na lantaran siyang ininsulto at siniraan ng suspek nang sabihan siyang pokpok, malandi at parausan sa hindi niya malamang dahilan.

Kaagad na nagtungo sa bahay ng suspek si Artuz upang komprontahin ang lalaki subalit ang ama ng una na si Samuel Sion ang lumabas at nakipag-usap sa biktima.

Habang nag-uusap ang dalawa, biglang sumulpot mula sa likuran ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima. Nagawa namang masalag ni Artuz ang iba pang ulos ng patalim sa kabila ng tinamong dalawang tama ng saksak sa likod hanggang isugod na siya sa pagamutan.

Nabawi ng mga umarestong pulis sa suspek ang ginamit umanong patalim na may bahid pa ng dugo na gagamitin bilang ebidensiya sa paghahain ng kasong frustrated murder sa piskalya ng Malabon City.

AUTHOR PROFILE